top of page
Search
  • BULGAR

Lillard, Doncic, Kuzma at Drummond, bumandera

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 14, 2021




Binitin muli ng Portland Trail Blazers ang pagkamit ng numero unong puwesto sa buong NBA ang Utah Jazz matapos manalo kahapon, 105-98, sa Vivint Arena. Ito na ang ika-limang sunod ng Blazers at pinatibay ang pagkakataon na makapasok sa playoffs sa kartadang 41-29, tabla sa Dallas Mavericks na wagi sa New Orleans Pelicans, 125-107.

Bumanat ang Blazers sa second half sa likod ni Damian Lillard na ipinasok ang 14 ng kanyang 30 puntos. Naramdaman ng Jazz ang kakulangan ng manlalaro at hindi naging sapat ang 29 puntos ni Jordan Clarkson upang bumaba sa 50-20 at kailangang walisin ang dalawang nalalabing laro kontra Oklahoma City Thunder at Sacramento Kings upang maiwasan ang tabla sa Phoenix Suns (48-21).

Kumuha ng lakas ang Mavs kay Luka Doncic na may 33 puntos at Tim Hardaway Jr. na may 27 puntos. Napanatili ng Portland at Dallas ang isang larong lamang nila sa humahabol na defending champion Los Angeles Lakers na nagtagumpay sa kulelat na Houston Rockets, 124-122, salamat sa buslo ni Kyle Kuzma na may 6.9 segundo sa orasan at free throw ni Talen Horton-Tucker para sa 40-30 panalo-talo.

Bumida muli si THT na may 23 puntos at 10 assist at sinundan ni Andre Drummond na may 20 puntos at 10 rebound. Bago ang laro, itinaas ng Lakers ang banderang sumasagisag sa kanilang ika-17 kampeonato noong 2020 – isang tradisyon para sa unang laro ng bagong torneo subalit hinintay ng koponan na payagang makabalik ang kanilang mga tagahanga sa Staples Center.


Tiyak na pasok na ang Atlanta Hawks sa playoffs matapos nilang umulit sa Washington Wizards, 120-116, sa likod ng 33 puntos ni Trae Young habang nag-ambag ng 20 si Bogdan Bogdanovic. Umangat sa 39-31 kung saan 25-11 sila buhat na itinalaga si Coach Nate McMillan bilang kapalit ni Coach Lloyd Pierce noong Marso 1.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page