Lillard, angat sa Blazers, naglagablab sa 71 puntos
ni Anthony E. Servinio @Sports | February 28, 2023

Umapoy para sa 71 puntos si All-Star Damian Lillard sa 131-114 panalo ng Portland Trail Blazers sa Houston Rockets sa NBA kahapon sa Moda Center. Ito ang ika-11 na beses na may gumawa ng mahigit 70 puntos kasunod ng 71 din ni Donovan Mitchell ng Cleveland Cavaliers noong Enero.
First half pa lang ay 41 puntos si Lillard at umabot siya ng 71 upang palayuin ang Blazers, 128-111, at 1:42 sa orasan. Pinaupo siya agad ni Coach Chauncey Billups at nagtapos na may 13 three-points.
Madaling nilampasan ni Lillard ang kanyang personal na markang 61 na dalawang beses niya naabot noong 2020. Maliban sa kanila ni Mitchell, nakagawa rin ng 71 ang mga alamat na sina David Robinson ng San Antonio Spurs noong 1994 at Elgin Baylor ng Los Angeles Lakers noong 1960.
Sa ibang laro, humataw ng todo si LeBron James sa fourth quarter upang mauwi ng bisitang Lakers ang 111-108 panalo sa Dallas Mavericks. Kahit walang Giannis Antetokounmpo ay walang problema at wagi ang Milwaukee Bucks sa Phoenix Suns, 104-101, para sa kanilang ika-14 na sunod na tagumpay.
Nagtayo ang Mavs ng 48-21 lamang sa second quarter subalit hindi sumuko ang Lakers at unti-unting lumapit hanggang ipinasok ni LBJ ang unang 5 puntos sa 4th quarter, 83-81. Nagdagdag siya ng 6 pang puntos para sa 106-103 lamang at 1:26 sa orasan at magtapos na may 26 puntos.
Inalagaan ng Bucks ang pasa sa hita Giannis na nakuha sa huling laro sa Miami Heat.
Nagdoble trabaho si All-Star Jrue Holiday para sa 13 ng kanyang 33 puntos sa 4th quarter kasama ang paniguradong free throw na may 10 segundong nalalabi, 104-100.





Comments