top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Ligtas na face-to-face classes, dapat tuloy lang

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 25, 2021
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | November 25, 2021



Isang linggo matapos ang implementasyon ng limitadong face-to-face classes, iniulat ng Department of Education (DepEd) na walang naiulat na kaso ng COVID-19 sa mga paaralan na nagpatupad nito.


Gayunman, napansin ang mga hamon sa mga kalahok sa pagsunod sa mga health protocols sa mga classroom. Kabilang na ang matagal na pagsusuot ng facemask ng mga mag-aaral sa kindergarten.


Ayon kay Education Assistant Secretary Malcolm Garma, nasa 7,324 Filipino students ang bumalik sa mga pampublikong paaralan mula nang magka-pandemya.


Ang pilot study ng DepEd ang naging daan sa 100 pampubliko at 20 pribadong paaralan na magsimula ng limited face-to-face classes at higit pa ang inaasahang isasama sa lalong madaling panahon. Dagdag pa nito, walang nakitang impeksiyon sa 56 pampublikong paaralan na nagsumite ng mga ulat sa ahensiya.


Gayunman, ang ilan umano ay nagpakita ng sintomas ng virus kung saan walong estudyante ang may lagnat, 76 may ubo at sipon, at isa naman ang may namamagang lalamunan. May isang tauhan ng paaralan ang nagkaroon ng ubo at sipon, habang ang isang bisita ay nilalagnat.


Matatandaang ang DepEd at Department of Health (DOH) ang mga pangunahing ahensiya ng gobyerno na inatasang magpatupad ng pilot study sa face-to-face classes.


Magandang balita na walang tinamaan ng sakit sa mga mag-aaral at guro, pero ‘wag nating kalimutan na nananatili ang banta ng sakit kaya dapat lamang na ipagpatuloy ang mga pag-iingat na ginagawa natin.


Upang masanay natin ang mga mag-aaral na sumunod sa mga health protocols, lalung-lalo na ang tamang pagsusuot ng facemask at social distancing, ipaunawa nating mabuti sa kanila ang kahalagahan ng pagsunod sa mga ito.


At sana lang ay patuloy din ang koordinasyon ng mga ahensiya ng gobyerno na inatasang magpatupad ng pilot study na ito.


‘Ika nga, unti-unti na tayong nakakasabay sa pandemya, ngunit kasabay nito ang patuloy na pag-iingat upang magtuluy-tuloy ang ‘new normal’ at mas maraming paaralan na ang makapagbukas.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page