Ligtas na eskwelahan, tiyakin
- BULGAR
- Sep 3, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | September 3, 2023
Muli na namang umusbong ang karahasan sa paaralan.
Isang 14-anyos na estudyante ang umano’y nanaksak ng Grade 12 na schoolmate sa loob mismo ng eskwelahan sa Bgy. Tatalon, Quezon City.
Nag-ugat umano ang insidente sa banggaan habang naglalakad ang mga ito sa iskul nitong Martes, unang araw ng pasukan.
Batay sa ulat, sinabi ng biktima na naglalakad siya papunta sa paaralan kasama ang isang kamag-anak nang bigla silang banggain ng suspek.
Kuwento ng biktima, nagkaroon sila ng sagutan at nagtawag ang suspek ng kasama habang bigla na lang siyang sinipa nito. Dahil nasaktan, sinuntok nito ang suspek.
Subalit, binugbog umano siya ng mga kasama ng suspek hanggang sa pigilan na sila ng isang guro.
Depensa naman ng suspek, ang biktima umano ang matapang sa pagtatanong at hindi niya sinasadyang gawin ito.
Ayon sa 14-anyos na suspek, tinanong umano siya ng biktima kung mayabang at nangga-gangster ba siya sa eskwelahan. Aniya, dahil sa maraming tao at siksikan kaya nabangga niya ito. Siya umano ang binugbog at hinawakan din ang kanyang damit sabay sipa umano sa kanya.
Ipinatawag naman sila sa guidance office dahil sa nangyari, subalit tanging sila lang ng kanyang ina ang dumating.
Sinabi pa ng suspek na nakita niyang pauwi na ang biktima at nagdilim ang kanyang paningin, kaya niya ito nasaksak dahil na rin aniya, sa sobrang galit.
Handa umano ang pamilya ng suspek na makipag-ayos sa biktima. Subalit, desidido naman ang biktima na kasuhan ang suspek.
Ayon sa mga awtoridad, posibleng maharap sa kasong frustrated homicide o frustrated murder, ang suspek, depende sa resulta ng imbestigasyon.
Kasisimula pa lamang ng klase para sa taong ito ay nagkaroon na agad ng ganitong insidente.
Tila nagiging bayolente ang mga estudyante, kahit sa simpleng hindi pagkakaunawaan lamang.
Mahirap tukuyin kung sino ang may kasalanan sa nangyari sa dalawang estudyante, subalit hindi ba dapat tayong mga magulang ang may pananagutan at responsibilidad sa ating mga anak?
Bawat kilos at gawi nila ay repleksyon nating mga magulang kaya mas mainam na turuan natin sila na maging mahinahon at igiit ang magandang asal upang lumaki sila na mabuting tao.
Paalala lang sa kinauukulan, sana ay hindi lang ang kanilang pag-aaral ang ating tutukan kundi maproteksyunan sila at bigyang pansin din natin ang kanilang kaligtasan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments