Ligtas at maayos na simula ng klase, tiyakin
- BULGAR
- Aug 28, 2023
- 4 min read
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | August 28, 2023
Bukas, Agosto 29 ay pormal nang magbubukas ang klase para sa School Year (SY) 2023-2024 sa lahat ng pampublikong paaralan at lahat ay inaasahang nakahanda na kabilang ang mga guro, magulang at ang mismong estudyante.
Ayon sa Department of Education (DepEd), ang mga pribadong paaralan naman ay maaaring mamili ng kahit anong araw na nais nilang magbukas ng klase simula sa unang Lunes ng Hunyo, ngunit hindi lalagpas sa katapusan ng Agosto base sa Republic Act 11480.
Bagama’t inanunsiyo na ng DepEd ang pagbubukas ng klase, ang ‘enrollment period’ sa pampublikong paaralan ay hindi pa opisyal na nagsisimula ngunit ang school calendar guidelines ay nakatakda pa lamang ilabas sa mga darating na araw.
Bilang bahagi kasi ng paghahanda sa pagbubukas ng klase ay nagsagawa na ang mga pampublikong paaralan ng mas maagang registration kaya halos ilan na lamang ang inaasahang hahabol na estudyante.
Ang isinagawang early registration sa pampublikong paaralan ay sakop ang Kindergarten, Grades 1 hanggang 6, Grade 7 hanggang 10 o Junior High School at Grade 11 hanggang 12 na Senior High School, at lahat ay awtomatikong naka-enroll na para sa susunod na school year.
Dalawang linggo bago ang pagbubukas ng klase, ang lahat ng mag-aaral ay kailangang ikumpirma ang kanilang enrollment sa pampublikong paaralang nais nilang pasukan, upang makapagsagawa at maisama sa tamang paghahanda ang isang mag-aaral sa class program.
Sa panahon ding ito, magkakaroon ng pagkakataon ang mga school personnel kung may mga estudyante bang transferees mula sa ibang paaralan upang maisama sa pag-update sa Basic Education Information System (BEIS) bago pa tuluyang umusad ang school year.
Ayon sa DepEd, noong 2022 ay nagbukas ang klase sa pinakahuling linggo ng Agosto at mahigit sa 28 milyong estudyante ang nag-enroll sa public schools para sa SY 2022-2023.
Ngunit sa ngayon ay pinag-aaralan na rin ng DepEd ang proposal na ibalik na sa dating academic calendar, kung saan nagsisimula ang klase tuwing buwan ng Hunyo at sa old school calendar ang summer breaks ay nagaganap ng buwan ng Abril hanggang Mayo.
Matatandaan na noong huling linggo ng Marso ay nagsagawa ng survey na nilahukan ng 11,000 teachers, at lumabas na 67% ng guro mula sa pampublikong paaralan ay nagsabi na nakaranas umano sila ng matinding init sa loob ng classroom na nagdudulot din ng epekto sa mga estudyante na naging dahilan pa ng pagliban sa klase.
Ang hindi maayos na kalagayan ng mga guro at mag-aaral sa loob ng classroom sa panahon ng tag-init, ang nagtutulak sa maraming mga guro para hilingin na ibalik na sa dating school calendar ang pasok sa eskwela.
Kaugnay nito, bilang chairman ng Senate Committee on Public Works ay nakipag-ugnayan na tayo sa Department of Public Works And Highways (DPWH) upang matiyak na ligtas ang mga imprastraktura na naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad.
Sa ngayon, sinisimulan nang ayusin ng DPWH ang mga tukoy na imprastraktura na naapektuhan ng mga nagdaang lindol at bagyo na inaasahang malaking tulong para sa pagbibiyahe ng ating mga guro at mag-aaral.
Gayundin, bilang chairman ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulations ay inaalala rin natin ang kalagayan ng ating mga guro kaya nga may isinumite tayong panukala hinggil sa kanilang teaching allowance.
Nakapaloob sa aking panukala na bawat teacher ay tatanggap ng P7,500 sa taong 2024 at P10,000 naman sa simula ng taong 2025. Kung tutuusin ay hindi malaking halaga nito, ngunit napakalaking tulong na nito sa nagtataguyod ng ating edukasyon at humuhubog sa ating mga anak.
Nakipag-ugnayan na rin tayo kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman at matagumpay nating nakuha ang suporta nito hinggil sa naturang panukala.
Malaking bagay na malaman nating walang problema sa budget sa napakaliit na karagdagang allowance na nais nating ibigay sa mga pampublikong guro na inaasahan nating humubog sa mga kabataan sa ating bansa.
Ganito natin kinakalinga ang ating mga guro at ang kanilang kalagayan dahil sa dulo ng lahat ng ito ay ang mga mag-aaral din ang makikinabang tungo sa maganda nilang kinabukasan.
Nais din nating ihatid ang paalala ng Department of Education (DOH) hinggil sa pagtaas ng kaso ng dengue at leptospirosis dahil sa panahon ngayon ng tag-ulan at kabi-kabila ang nararanasan nating pagbaha kaya dapat ay magdoble-ingat.
Ayon sa ulat ng Epidemiology Bureau-Public Health Surveillance Division, umabot ng 1,473 ang naitalang kaso ng leptospirosis mula Enero hanggang Mayo ng taong kasalukuyan.
Base sa datos, ang bilang ng nasawi dahil sa leptospirosis mula ng Enero hanggang Mayo rin ay umabot ng 149 katao na higit na mas mataas sa 119 noong nakaraang taon.
Ang dahilan ng lahat nang ito ay sa paglusong lamang sa baha kaya dapat na tutukang mabuti ng mga magulang ang kanilang mga anak lalo na kapag bumubuhos na ang ulan.
Batay pa sa DOH, umabot naman sa 72,333 ang kaso ng dengue mula Enero hanggang Hunyo ng taong kasalukuyan at hindi lamang ito dahil sa panahon ng tag-ulan, kundi may mga kaso na rin sa panahon ng tag-init sanhi ng maruming kapaligiran.
Ganito karami ang nakapaloob na responsabilidad na sisimulan na bukas sa araw mismo ng pagbubukas ng klase, kaya tulung-tulong tayo, hindi lang ang mga guro kundi maging ang mga magulang na bantayan ang mga anak na papasok sa iskul.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com




Comments