top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Ligtas at maayos na pamamahayag sa bansa

BULGAR
Jun 15, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 15, 2022


Sa kabila ng makabagong sistema na ginamit ngayong taon ng World Press Freedom Index (WPFI) para sa Reporters Without Borders (RSF) na inilabas noong nakaraang buwan ay nananatiling ligtas at masigla ang pamamahayag sa Pilipinas sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte.


Higit umanong naging aktibo ang media sa bansa kung ikukumpara sa nagdaang dalawang administrasyon at higit sa lahat ay mas ligtas sa kabila ng may mangilan-ngilang insidente ng karahasan.


Ayon sa Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), pinatotohanan umano ng RSF na ang pamamahayag sa bansa ay malaki ang ipinagbago kumpara noong bago pa maupo si P-Duterte bilang Pangulo ng bansa.


Nabatid na pinatotohanan ng RSF’s index na ang Duterte administration ay may mas maayos na average na 135.8 points na naitala mula 2017 hanggang 2022 na pumapalo pa sa 147,kumpara sa nagdaang administrasyon na may average 142.5 na naitala mula 2011 hanggang 2016.


Medyo may kalayuan ang ranking natin sa RSF kung kaligtasan ng media ng pag-uusapan dahil labis tayong nadungisan sa panahon ng Ampatuan Massacre na naganap noong taong 2009 kung saan ay 32 mamamahayag ang sabay-sabay na pinaslang.


May kabigatan para tuluyan na tayong makaahon sa napakabigat na kasaysayang naganap sa ating bansa, ngunit hindi maitatanggi ang labis na pagsisikap ng pamahalaang Duterte na maging ligtas at aktibo ang pamamahayag sa bansa na kinikilala naman ng United Nations Educational Scientific and Cultural Organization (UNESCO).


Dahil sa ipinakitang political will ng Duterte administration, taong 2019 lamang ng mahatulan ang utak ng Ampatuan Massacre na sina Datu Andal Ampatuan Jr at Zaldy Ampatuan ng 57 counts of murder kasama ang 28 iba pa at kabilang pa ang mahigit isang dosenang nahatulan ng 6 hanggang 10 taong pagkabilanggo dahil sa partisipasyon sa krimen.


Mabigat ang sitwasyong kinaharap ng mamamahayag sa bansa dahil sa pangyayaring ito, ngunit kitang-kita pa rin ang kanilang katapangan sa pagtupad ng kanilang tungkulin, lalo na sa kasagsagan ng pandemya at nitong nagdaang eleksiyon.


Nakatutuwang malaman na wala na ang Pilipinas sa talaan ng RSF na ‘world’s 10 worst countries for press freedom’ at sana ay magtuluy-tuloy na mabago na ang imahe ng pamamahayag sa bansa.


Sa pinakahuling ulat na inilabas ng UNESCO hinggil sa 2021-2022 ‘World Trends in Freedom of Expression and Media Development Global Report’ ay nabanggit ang Pilipinas na nagsasagawa ng mga positibong hakbang para sa kaligtasan ng mamamahayag.


Nakasaad sa ulat ang ‘special task force for the safety of journalists’ na inilunsad ng Duterte administration ay tinutuluran na ng maraming bansa sa iba’t ibang bahagi ng mundo na napakalaking pamana na iiwan sa atin ng papatapos ng administrasyong ito.


Malaki ang pasasalamat natin sa Duterte administration na nakagawa ng ‘safe environment’ para sa mga kababayan nating mamamahayag at unti-unti ay nakakaahon na tayo sa madilim na bahagi ng karahasan sa pamamahayag na tumatak sa ating kasaysayan.


Kaakibat ng tinatamasa nating demokrasya ay ang malaya at ligtas na pamamahayag kaya mas kailangan pa itong pag-ibayuhin at palakasin upang makarating sa bawat Pilipino ang pinakahuling pangyayari sa loob at labas ng bansa.


Kaya nga pinagsikapan nating maisabatas ang National Press Freedom Day sa bansa upang bigyang-halaga ang sistema ng pamamahayag at bigyang-pugay din ang mga mamamahayag sa kanilang walang takot na pagsisikap.


Bilang principal author at sponsor ng Senate Bill No. 670, or An Act declaring August 30 of Every Year as National Press Freedom Day ay isa ito sa napakaraming panukala na ating isinumite sa mga unang araw na muli tayong mahalal at mabalik sa Senado noong 2019.


Ngunit sa dinami-rami ng ating isinumite ay masasabi nating higit na tinutukan ang panukalang ito dahil sa matagal na itong pinupursige ng National Press Club at iba pang media organizations na kaakibat natin sa lahat ng laban ng sambayanang Pilipino.


Umaasa naman tayo sa pagpasok ng bagong administrasyon sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. (PBBM) ay mapapanatili nito ang masigla at ligtas na pamamahayag sa bansa na inaasahan din ng marami nating kababayan.


Sa ngayon ay medyo may banggaan sa pagitan ng ating mga kapatid sa pamamahayag na nasa traditional platform at sinasabing wala umanong journalism sa social media kasabay pa ng walang kontrol na ‘fake news’ na nagiging sanhi ng kalituhan.


Sana ay magkaroon ng panuntunan sa coverage kung ang event ay limitado lamang ba sa broadcast, print at mainstream-online journalists o dapat ding payagan na ang mga bloggers na kahit sino ay puwede.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page