Libu-libong Pinoy worker na apektado ng POGO ban, tulungan
- BULGAR

- Sep 18, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | September 18, 2024

Nakalulungkot isipin na dahil sa ipagbabawal na ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa ay marami sa mga kababayan ang maaapektuhan.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), mahigit 19,000 manggagawang Pilipino na nagtatrabaho sa mga kumpanya ng POGO sa National Capital Region (NCR) ang maaaring tamaan ng napipintong pag-ban nito.
Sinabi ni DOLE-NCR Assistant Regional Director Jude Thomas Trayvilla na nitong September 16, ang ahensya ay nakapag-profile ng kabuuang 19,341 Pinoy employees na nagtatrabaho sa ilalim ng 48 internet gaming licensees (IGLs) sa NCR.
Ipinaliwanag ng opisyal na higit 19K ang maaapektuhan sa buong NCR ng pag-ban sa POGO at halos lahat ng mga kumpanyang apektado ay nakapagsumite na ng listahan. Sa ngayon aniya, na-map out na nila kung saan-saan o ang lokasyon ng mga naturang empleyado sa pakikipagtulungan ng kanilang Public Employment Services Offices sa mga local government unit (LGU).
Binanggit naman ni Trayvilla na karamihan sa mga manggagawa ay kumikita at may sahod mula P16,000 hanggang P22,000 at employed sa ilalim ng administrative tasks, encoding, HR, liaison, marketing, finance, IT, housekeeping, gayundin mga driver at security guard.
Iginiit naman ng DOLE na “handa” silang magbigay ng tulong sa mga manggagawang Pinoy na mawawalan ng ikabubuhay dahil sa POGO ban.
Dagdag pa ni Trayvilla, kabilang sa mga interbensyon ng DOLE na ipagkakaloob sa mga apektadong empleyado ay ang TUPAD program, livelihood projects, at isang specialized job fair.
Kaugnay nito, ang job fair ay isasagawa sa October 10, 2024 sa Ayala Malls Manila Bay sa Pasay City. Hindi naman bababa sa 70 employer ang inaasahang lalahok sa nasabing event.
Sa rami ng mga mawawalan ng pagkakakitaan dahil sa pagbabawal sa POGO sa ating bansa, nararapat lamang na sila ay tulungan ng pamahalaan.
Kailangan na agad maalalayan ang mga naturang manggagawang Pinoy na wala namang alam kundi ang ganitong mga klase lamang ng trabaho na kanilang ikinabubuhay.
Huwag sana nating hayaan na mapasama pa ang mga kababayan nating ito sa bilang
ng libu-libong mga walang trabaho sa ating bansa at naghihirap.
Aksyon ang kinakailangan dito ng kinauukulan para hindi na humantong pa ito sa malaking problema.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments