top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Libreng sakay sa Love Bus, good news sa mga komyuter

Writer: BULGAR
BULGAR
16 hours ago
2 min read

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | September 13, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Malaking ginhawa para sa mga komyuter ang libreng sakay, lalo na sa mga manggagawa at estudyanteng araw-araw nakikipagsiksikan at gumagastos para lamang makarating sa kanilang destinasyon. Ngayon na patuloy na mabigat ang gastusin sa pamasahe, pagkain at iba pang pangangailangan, bawat pisong natitipid sa biyahe ay may malaking halaga para sa isang pamilyang kapos sa budget.


Muling bumalik sa Metro Manila ang Love Bus project bilang bahagi ng mga hakbang para gawing mas maginhawa at maayos ang pampublikong transportasyon. 


Hindi lamang ito ordinaryong bus service dahil gumagamit na ito ng zero-emission electric buses na may kapasidad na 36 pasahero bawat unit.


Libre ang sakay mula alas-6 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi. Dumadaan ang mga bus mula Robinsons Galleria sa Ortigas Business District patungo sa ilang destinasyon gaya ng MMDA headquarters, Arcovia City, C-5, Bridgetowne Estate sa Pasig City at Eastwood sa Quezon City bago bumalik sa pinanggalingan.


Malaking bagay ang ganitong serbisyo. Hindi na kailangang maglabas ng dagdag na pamasahe para sa rutang sakop ng Love Bus. Ang perang dapat sana ay napupunta sa pamasahe ay maaaring maidagdag sa pagkain, baon, school expenses o iba pang pang-araw-araw na pangangailangan.


Maganda rin ang paggamit ng electric buses dahil nakatutulong ito sa pagbawas ng usok at polusyon sa mga kalsada. Ipinapakita nitong puwedeng pagsabayin ang kaginhawaan sa biyahe at pangangalaga sa kapaligiran.


Gayunman, hindi dapat hanggang libreng sakay lamang ang hangarin. Ang mas malaking layunin ay magkaroon ng pampublikong transportasyong sapat, maaasahan, ligtas at madaling gamitin ng lahat. Kailangan ding tiyaking regular ang serbisyo, maayos ang mga ruta at sapat ang kapasidad upang hindi maging panandaliang ginhawa lamang ang proyekto.


Mahalagang tandaan na ang Love Bus ay unang inilunsad noong dekada 1970 bilang isang air-conditioned bus service at modernong alternatibo sa mga jeepney at karaniwang bus. Sa pagbabalik nito ngayon, nakakasiguro na ang transportasyon ay may serbisyong direktang nakaaapekto sa kalidad ng buhay ng bawat Pilipino.


Ang tunay na “love” sa komyuter ay hindi lamang libreng pamasahe. Ito ay serbisyong hindi nagpapahirap, hindi nagpapahintay nang matagal at nagbibigay ng ligtas at maayos na biyahe. Kung may proyektong nagbibigay-ginhawa sa taumbayan, dapat itong palawakin, pagandahin at panatilihing may tunay na pakinabang sa araw-araw na buhay ng bawat mamamayan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page