Libreng gamutan, malaking tulong sa 18M Pinoy
- BULGAR

- 1 day ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | November 20, 2025

Isa sa mga prayoridad natin para sa panukalang 2026 national budget ang pagtataguyod sa kalusugan ng ating mga kababayan. Sa ilalim ng panukala ng Senate Committee on Finance para sa 2026 national budget, P376.5 bilyon ang inilaan natin para sa sektor ng kalusugan. Kabilang dito ang P62.6 bilyon na makakatulong sa 18 milyong Pilipino sa pamamagitan ng Zero Balance Billing (ZBB) Program ng pamahalaan.
Sa ilalim ng ZBB, wala nang babayaran ang mga pasyente na nasa basic accommodations ng mga ospital ng Department of Health (DOH). Sa ilalim ng programang ito, sagot na ng pamahalaan ang mga gastusin para sa silid, gamot, laboratory, at diagnostics, pati na rin ang professional fees ng mga doktor.
Sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP), P53.3 bilyon ang inilaan para sa ZBB upang makatulong sa 16 milyong Pilipino. Ngunit sa ilalim ng panukalang pondo ng Senate Committee on Finance, P9.3 bilyon ang dinagdag nating pondo para sa mga DOH hospital upang mapalawak pa natin ang saklaw ng ZBB.
Matutulungan ng dagdag na pondong ito ang karagdagang 2 milyong Pilipino. Tulad ng nabanggit ko, ang P62.6 bilyong pondong nakalaan sa ZBB ay inaasahang makakatulong sa 18 milyong Pilipino.
Kasabay nito, naglaan din tayo ng dagdag-pondo para sa mga institusyong tumutugon sa mga malulubhang karamdaman. Ang Lung Center of the Philippines, Philippine Heart Center, National Kidney and Transplant Institute, at Philippine Children’s Medical Center ay makakatanggap ng tig-P1 bilyon. Layunin ng dagdag na pondong ito na mapalawak ang kapasidad ng mga ospital, mapaganda ang mga pasilidad, at mabigyan ng libreng serbisyo ang mas maraming pasyente sa ilalim ng ZBB.
Upang matiyak ang pagkakaroon natin ng sapat na mga propesyonal para sa ating health workforce, naglaan din tayo ng P290 milyon para sa paglikha ng mga bagong medical schools sa ating State Universities and Colleges (SUCs). Kung madadagdagan natin ang mga medical schools sa ating mga SUCs, mabibigyan natin ng mas maraming oportunidad ang mga kabataang Pilipinong nais maging doktor at maglingkod sa ating mga komunidad.
Ilan lamang ito sa mga isinusulong natin upang mapatatag ang ating sistemang pangkalusugan. Patuloy nating tututukan ang mga talakayan sa panukalang 2026 national budget upang masuri kung paano balak gastusin ng ating pamahalaan ang mga ibinabayad nating buwis.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com








Comments