Libreng COVID testing, solusyon vs. fake COVID result for sale
ni Ryan Sison - @Boses | March 26, 2021
Sa dami ng naitatalang COVID-19 cases kada araw, marami sa atin ang gusto nang magpa-test para makasiguradong hindi nahawa sa sakit. Ang iba naman ay no choice dahil requirement sa trabaho at pag-travel.
Kaya naman, kani-kanyang diskarte ang publiko para makahanap ng murang testing facility para makatipid. Gayundin, ang iba nating kababayan ay nakahanap ng diskarte para pagkakitaan ang pangangailangan ng ating kapwa. ‘Yun nga lang, hindi maganda ang paraan, kaya nagpahayag ng pagkabahala ang mga awtoridad sa nagkalat na hindi awtorisadong COVID-19 test result at testing kit.
Ito ay matapos makatanggap ng Department of Health (DOH) ng mga ulat ng mga nasabing modus na makadaragdag pa sa problema ng bansa sa pandemya.
Ang siste, mag-aalok ng pekeng RT-PCR test result ang seller na nagkakahalagang P2,500. Pangako umano ng seller na hindi na kailangang pumunta ng clinic at negative agad ang resultang makukuha niya.
Bukod pa rito, naglipana na rin sa mga e-commerce at social media platform ang mga antibody, antigen at saliva sputum test kit.
Paalala ng Food and Drug Administration (FDA), bawal ang pagbebenta online ng test kits na may kinalaman sa COVID-19 — aprubado man ito ng ahensiya o hindi.
Samantala, nagpaliwanag ang ilang e-commerce na mahigpit nilang mino-monitor ang kanilang website para maparusahan ang seller na lalabag at maiwasan ang puslit na pagbebenta.
Sa totoo lang, maraming nangangailangang magpa-test, pero hindi ito sapat na dahilan para lumabag sa batas at gumawa tayo ng sariling resulta o magbenta ng mga hindi dapat ibenta.
Pero kung may sapat na libreng testing, malamang, walang ganitong mga eksena.
Hindi sapat na parusahan lang ang mga lumalabag dahil hangga’t walang sapat na testing, may lalabag at may lalabag pa rin.
Kaya panawagan sa mga kinauukulan, isang taon na itong panawagan, kaya baka naman puwede nang magkaroon ng mass testing para hindi kumapit sa patalim ang ating mga kababayan.
Nakababahala dahil ‘yung iba sa kanila, no choice dahil talagang mahal magpa-test, kaya kahit alam na bawal, pinapatulan na lang. Habang ang iba naman, sadyang pasaway lang dahil gustong makagala.
Alam nating lahat na may masama itong epekto sa ating kasalukuyang sitwasyon, kaya plis lang, aksiyunan ang isyung ito upang matuldukan at hindi na pagmulan pa ng panibagong problema.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments