Search
  • BULGAR

Libreng annual check-up para sa mga Pinoy

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | January 20, 2021



Dumating na tayo sa pinangangambahang bilang ng kaso ng COVID-19 na mahigit na sa 500,000 na panandaliang bumagal ngunit ngayon ay muling nagbalik sa halos dalawang libong kaso araw-araw ang dumadagdag.


At ngayon ay muling nakararamdam ang marami sa ating mga kababayan ng pangamba dahil sa bagong strain ng virus na ito na kumpirmadong nakapasok na umano sa bansa.


Ayon sa mga eksperto, posible umanong ang muling sunud-sunod na pagtaas ng mga bagong kaso ay dahil sa mga nagdaang okasyon tulad ng Pasko, Bagong Taon, Traslacion at marami pang nagdaang pagdiriwang.


Maging sa ibang bansa ay kapansin-pansin ang muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 na ngayon ay muling nagsisimula sa pagsasagawa ng lockdown, curfew at iba pang paraan para masugpo ang paglaganap ng naturang virus.


Ngayon ay heto na naman ang ating Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-EID) na hindi magkandaugaga kung paano na naman iriresolba ang pagpasok ng bagong variant ng COVID-19 sa ating bansa.


Ayon sa ulat ng Department Of Health (DOH) 93.1% ng lahat ng mga naging pasyente ng COVID-19 na may malalang kondisyon ay gumaling ngunit hindi maitatanggi na kulang-kulang sampung libo na ang namamatay.


Ngunit alam n’yo ba na marami sa ating mga kababayan ang may mga sintomas ng COVID-19 na ayaw magpagamot sa ospital lalo na sa probinsiya dahil natatakot sila sa kakaharaping gastos.


Ang takot na ito rin ang dahilan kung bakit tumaas na ang porsiyento ng bilang ng ating mga kababayan na may hypertension, diabetes, problema sa cholesterol at iba pang sakit na sana ay napigilan kung may annual check-up lamang.


Kaya nga nagsumite tayo ng panukalang-batas kamakailan upang amyendahan ang Republic Act No.11223 o ang Universal Health Care Act upang mabigyan ng serbisyong medikal ang ating mga kababayan nang libre.


Palalawakin ng panukalang ito ang sakop ng National Health Insurance sa lahat ng ating mga kababayan upang hindi sila makaranas ng grabeng pagtitiis sa kanilang karamdaman dahil lamang sa kawalan ng panggastos.


Layunin ng iniakda nating panukala na magkaroon ng libreng annual medical check-up ang lahat ng ating mga kababayan kabilang na ang basic diagnostic at laboratory test kasama na ang complete blood count, urinalysis, stool analysis, chest x-ray at kumpletong medical exam.


At maaari itong gawin ng kahit sino sa ating mga kababayan anumang araw sa loob ng isang taon at makatitiyak ang ating mga kababayan na bibigyan sila ng prayoridad para sa kanilang atensiyong medikal.


Ang maagang pagtukoy sa karamdaman ay napakahalaga upang agad na mabigyan ng solusyon o hindi na lumala pa tulad nang dinaranas ng marami sa ating mga kababayan.


Sa ganitong paraan ay posibleng madagdagan ang haba ng buhay ng ating mga kababayan at magiging produktibo dahil sa malusog na pangangatawan sapagkat napawi na ang pangamba na magtungo sa pagamutan.


Kaya sa pag-usad ng panukala nating ito ay manalangin tayo na mapabilis at tuluyan na itong maging batas upang marami sa ating mga kababayan ang matulungan nito.


Ang hirap tanggapin ng katotohanang marami sa ating mga kababayan ang nagtitiis na lamang sa sakit at kalaunan ay namamatay dahil ang igagastos nila sa pagamutan ay ibibili na lamang ng makakain para sa kanilang mga mahal sa buhay.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.