Search
  • BULGAR

LGUs, oks bumili ng sariling bakuna, makipag-coordinate lang sa DOH at NTF

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | February 20, 2021



Isinusulong natin ngayon sa Senado, bilang principal sponsor, ang Senate Bill 2057 o ang COVID-19 Vaccination Program Bill na naglalayong mapabilis ang pagbili natin ng COVID-19 vaccines.


Sa ilalim ng panukalang ito, pinapayagan ang lahat ng pamahalaang lokal na bumili ng sarili nilang bakuna at makapag-advance payment, subalit kailangang may sapat silang koordinasyon sa Department of Health (DOH) at sa National Task Force (NTF) Against COVID-19.


Pinapayagan din ang LGUs na gamitin ang anumang pondo na mayroon sila sa kasalukuyan upang makabili ng bakuna, liban sa pa sa P82.5 bilyong inilaan para sa national immunization program against COVID-19 ng gobyerno ngayong taon.


Maging ang mga pribadong sektor ay may permiso ring bumili ng bakuna subalit sasailalim din sila sa katulad na restriksyong ipinatutupad sa LGUs.


Isinasaad pa rin sa panukala na awtorisado ang DOH at ang NTF na manguna sa negosasyon kaugnay sa pagbili ng COVID vaccines, gayundin sa mga kaugnay na serbisyo tulad ng storage, transportation at distribution ng bakuna.


Binibigyang-diin natin sa panukala na ang lahat ng COVID vaccines ay libre sa anumang fees at tax tulad ng customs duties, value added tax o VAT, excise tax, donor’s tax at iba pang buwis na ipinapataw sa pagbili ng bakuna.


Sinisiguro rin natin na ang lahat ng mga kababayan nating mababakunahan ay mamo-monitor ng medical at vaccine experts sa pamamagitan ng tinatawag na Vaccination Passport sa ilalim ng Vaccination Passport Program. Ito ay upang mabatid ng mga kinauukulan kung ang isang inoculated ay nagdaranas ng serious adverse side effects o kaya naman ay pumanaw dahil sa nasabing bakuna.


At bilang tulong sa mga makararanas ng negatibong epekto ng COVID-19 vaccine, itinatalaga rin sa ilalim ng ating panukala ang National Indemnification Fund na siyang babalikat sa mga posibleng gastusin ng tao na gagamutin mula sa nararanasan nitong side effects.


Ang indemnity fund ay pangangasiwaan ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth at popondohan mula sa contingent fund sa ilalim ng 2021 national budget.

Nabatid din natin mula sa ating vaccine czar na si Secretary Carlito Galvez, Jr., na inaabiso ng lahat ng vaccine manufacturers ang pagkakaroon ng indemnity at liability frameworks tulad nga ng nasabi nating indemnification fund.


Kasama natin bilang co-author ng panukalang ito ang ating mga kasamahan na sina Senate President Pro-Tempore Ralph G. Recto; Senate Minority Leader Juan Miguel Zubiri at sina Senators Imee Marcos, Grace Poe, Pia Cayetano, Bong Revilla, Francis Tolentino, Sherwin Gatchalian, Nancy Binay, Cynthia Villar, Risa Hontiveros, Francis Pangilinan, Manny Pacquiao, Joel Villanueva, Richard Gordon at ang chairman ng senate committee on health na si Sen. Bong Go bilang isa rin sa mga principal sponsor.


Umaasa tayo sa agarang pagpasa ng ating panukala para naman matupad na rin ang layunin nating maging COVID-free ang bansa ngayong 2021.


‘Ika nga, kung ang 2020 ang nagpaluhod sa asensadong mundo dahil sa pandemya, itong 2021 ang maghahatid sa atin sa muling pagbangon dahil nalikha na ang mga bakuna.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City

o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.