LGUs na mabagal sa pagbabakuna, tulungan kaysa parusahan
ni Ryan Sison - @Boses | November 5, 2021
Habang tuloy ang national vaccination program kontra COVID-19, mas maraming mamamayan na ang bakunado dahil umarangkada na rin ang pagbabakuna sa mga menor-de-edad kamakailan.
Gayunman, pinuna ng Pangulong Rodrigo Duterte na mahina ang pagbabakuna sa mga provincial at regional level, kaya naman ipinag-utos nito sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na patawan ng parusa ang mga pinuno ng local government units (LGUs) sa mabagal na pagbabakuna.
Hindi umano kuntento ang Pangulo sa naitatalang nababakunahan dahil ang target ay makapagturok ng nasa 1 milyong doses kada araw.
Mismong si DILG Secretary Eduardo Año ang inatasan ni P-Duterte na patawan ng parusa ang local chief executives na mabagal sa pagbabakuna.
Samantala, sinabihan din ng Pangulo sina National Task Force against COVID-19 chief implementer at vaccine czar, Secretary Carlito Galvez, Jr., Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na ibigay ang mga kinakailangang suporta sa LGUs, lalo na sa delivery ng mga bakuna.
Kung naging maayos at mabilis sa NCR, hindi ibig sabihin ay ganundin ang mangyayari sa iba pang panig ng bansa.
‘Ika nga, iba’t iba ang sitwasyong kinahaharap ng bawat lugar dahil matatandaang, aminado ang ilang LGUs na hindi nila kayang tumanggap ng mga sensitibong bakuna dahil sa kawalan ng ultra low temperature freezer, kaya wala silang choice kundi maghintay ng bakunang kaya nilang tanggapin. Isa pa, hindi lahat ng LGUs ay may sapat na tauhan na magbabakuna.
Aminin na natin, hindi talaga madali ang pagbabakuna sa mga probinsiya at ibang rehiyon, kaya sa halip na parusahan, bakit hindi natin sila tulungan? Sa ganitong paraan, mas mapabibilis ang pagtuturok at walang bakunang masasayang.
Bagama’t hindi natin nilalahat, may mangilan-ngilan na papetiks-petiks at sila ang dapat na masampolan.
Isa lang naman ang hangad nating lahat — ang mabigyan ng sapat na proteksiyon ang bawat mamamayan kontra COVID-19, kaya plis lang, magtulungan tayo at ‘wag nang maghanap ng masisisi.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments