LGUs, may tungkulin sa pag-angat ng kalidad ng edukasyon
- BULGAR

- Aug 14, 2025
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 14, 2025

Nitong mga nagdaang araw, tinalakay natin sa isang pagdinig sa Senate Committee on Basic Education ang mahalagang papel ng mga local government units (LGUs) upang mapunan natin ang kakulangan ng mga classroom. Ngunit hindi lang sa pagtatayo ng classroom makakatulong ang ating mga LGUs. Malaki rin ang kanilang papel sa pag-angat ng kalidad ng edukasyon sa bansa.
Sa ilalim ng 20th Congress, muling inihain ng inyong lingkod ang ating panukalang batas para mas mapaigting ang pakikilahok ng mga LGUs sa mga desisyon at programang pang-edukasyon: ang 21st Century School Boards Act (Senate Bill No. 53). Iminumungkahi nating mabigyan ang ating mga lokal na pamahalaan ng mas malawak na kapangyarihan upang mas matutukan nila ang pangangailangan ng mga mag-aaral at guro sa kanilang lugar.
Sa ilalim ng ating panukala, iminumungkahi nating palawakin ang mga local school board upang magkaroon ng boses ang iba pang education stakeholders at miyembro ng komunidad. Isinusulong din nating imandato sa mga local school board ang pagpapatupad ng mga polisiya upang mas maiangat pa ang kalidad ng edukasyon. Layon din ng ating panukalang batas na palawakin ang saklaw ng paggamit sa Special Education Fund (SEF). Ito ay para masuportahan ang mga local school board sa kanilang mas malawak na tungkulin.
Ayon sa Year 1 Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), malaking bahagi ng Special Education Fund (SEF) ang hindi pa nagagamit. Batay sa pagsusuri ng komisyon, umabot sa P15 bilyon ang hindi nagamit na pondo para lamang sa taong 2022. Napag-alaman din na aabot sa 57% ng SEF ang hindi nagagamit ng mga lungsod. Kaya naman sa ilalim ng ating panukala, iminumungkahi nating pahintulutan ang mas maluwag na paggamit ng SEF sa mga pangangailangang pang-edukasyon.
Iminumungkahi natin ang isang institutionalized policy upang magamit ang naturang pondo para sa mga sumusunod: sahod ng mga guro sa mga pampublikong paaralan sa elementary at high school; sahod ng mga non-teaching staff, kabilang ang utility at security personnel; sahod ng mga guro at capital outlay para sa mga child development center; pagpapanatili at operasyon ng mga programa para sa Alternative Learning System; suporta sa distance learning; mga training programs; at iba pa.
Patuloy nating isusulong na mapaigting ang pakikilahok at kakayahan ng mga LGUs sa pag-angat sa kalidad ng edukasyon ng bansa. Asahang tututukan natin ang pag-usad ng panukalang ito hanggang sa ganap itong maisabatas.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com








Comments