top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

LGU at bgy. official na palpak magpatupad ng health protocols vs. COVID-19, sampolan din!

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 15, 2020
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | December 15, 2020


Bagama’t kani-kanyang diskarte ang ilan nating kababayan para kahit paano ay makapagdiwang ng Pasko, naninindigan si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na hihigpitan pa ang pagpapatupad ng minimum health protocols ngayong holiday season.


Ito ay upang maiwasan ang hawaan ng COVID-19 sa kabila ng iba’t ibang ganap tulad ng party, kainan at inuman.


Aniya, lalong palalakasin ang police visibility at ang mga LGUs, barangay officials at tanod ay mag-iikot para ipaalala sa mga tao na ‘wag mag-mass gathering, habang hindi pa rin hinihikayat ang Christmas party at caroling.


Matatandaang ang Metro Manila ay nasa ilalim pa rin ng general community quarantine (GCQ) hanggang Disyembre 31.


Tulad ng palagi nating sinasabi, tiis-tiis muna ngayong taon hangga’t hindi pa tapos ang ating laban kontra pandemya.


Panawagan naman sa mga kinauukulan, tiyaking umaaksiyon ang lahat. Mahirap kasi ‘yung puro lang tayo utos, paalala at babala, pero ‘pag kailangan ng aksiyon, nganga na, kaya ang ending, lalong dumarami ang mga pasaway.


Kayong mga opisyal, magsilbi kayong ehemplo sa inyong nasasakupan. Iwasang maging pasimuno sa mga mass gathering at iba pang mga ipinagbabawal.


Kaya suhestiyon natin, kung mabibigo ang lokal na pamahalaan o barangay chairman na mapanatiling maayos at sumusunod sa health protocols ang kanilang mamamayan, baka puwedeng sila rin ay masampolan.


Malay natin, maobliga silang kumilos at maghigpit para sumunod sa kautusan ang lahat.


Paalala sa lahat — publiko man o pulitiko — magkusa tayong sumunod sa health protocols dahil ‘di lang naman ito para sa ating sarili kundi para sa ating lahat.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page