top of page

Leonard, Green, Doncic at Nembhard, malulupet

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 7, 2022
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 7, 2022



Pinatunayan muli ni Kawhi Leonard ang kanyang halaga sa huling minuto at hinatak ang bisitang Los Angeles Clippers sa 119-117 tagumpay sa Charlotte Hornets sa NBA kahapon mula sa Spectrum Center. Kasabay nito naging unang koponan ang numero unong Boston Celtics na umabot ng 20 panalo sa 116-110 pagligpit sa Toronto Raptors.


Galing sa anim na larong pagliban, ipinasok ni Leonard ang nagpatabla at nagpapanalong buslo na may 1.9 segundo sa orasan. Nagtapos na may 16 puntos si Leonard habang 19 puntos si Paul George – ang unang pagsabay sa korte ng dalawang All-Star buhat noong Okt. 23, ang pangatlong laro ng Clippers kung saan natalo sila sa Phoenix Suns, 95-112.


Bumanat ng 20 na may kasamang 12 rebound sa 2nd half upang baligtarin ang 62-56 lamang ng Raptors. Sinuportahan siya ni Jaylen Brown na may 22 puntos.



Kinailangan ng Houston Rockets ng dalawang overtime bago tapusin ang bisitang Philadelphia 76ers, 132-123, sa likod ng 27 puntos ni kabayan Jalen Green. Nabahiran ang pagbalik ni James Harden sa lungsod kung saan itinanghal siyang MVP ng liga noong 2018.


Umangat sa pangatlo ang Memphis Grizzlies sa mahigpit na karera ng Western Conference at binigo ang Miami Heat, 101-93, para sa kartadang 15-9. Nagtala ng bagong personal na markang 28 puntos na may kasamang 10 assist si point guard Tyus Jones sa 7 taon sa NBA upang takpan ang pagliban ni All-Star Ja Morant. Lalong humigpit ang karera matapos hilahin pababa ng Dallas Mavericks ang numero unong Phoenix Suns, 130-111. Walang nagawa ang depensa kay Luka Doncic na nagsumite ng 33 puntos.


Samantala, tinalo ng Indiana Pacers ang World Champion Golden State Warriors, 112-104. Nanguna si rookie Andrew Nembhard sa kanyang 31 puntos at 13 assist.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page