Lemon Bell, panalo sa Philracom Turf
- BULGAR
- Jul 22, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | July 22, 2023
Nagsaya ang mga dehadista matapos sikwatin ni Lemon Bell ang panalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na nilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Miyerkules ng gabi.
Sumalida ng maganda si Lemon Bell, walang naging aberya sa unang lundag kaya magaan na nakapuwesto sa segundo para sundan ang nasa unahan at matulin sa largahan na si Top Of The Mark.
Kumuha ng unahan si Lemon Bell bandang far turn at saka tumuloy na sa finish line ng may limang kabayo ang agwat sa pumangalawang National Treasure.
Ginabayan ni jockey Jerico Serrano ang Lemon Bell na nagtala ng tiyempong 1:13.6 minuto sa 1,200 meter race sapat upang hamigin ang P10,000 added prize.
Tumersero ang Top Of The Mark habang pumang-apat ang Indelible Quaker sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Nagbigay ng dibidendong P179.50 para sa kombinasyon sa forecast na Lemon Bell at National Treasure (2/5).
Nagwagi naman si Great Britain sa isa pang PRBHS na pinakawalan sa unang karera.
Sinakyan ni jockey JF Paronginog, inilista ni Great Britain ang 1:22.2 sa 1,200 meter race, segundo si Winged Heart habang tersero si Lucky Lea.
Samantala, apat na bagong apprentice jockeys na sina John Marlon C. Dela Cruz, Reynel M. Delos Santos, Ber-Jomel B. Galleta at Charles JohnZen A. Reyes ang masisilayan na sa pista sa mga susunod na racing days.





Comments