top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Legendary Maradona, 60, pumanaw sa atake sa puso

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 27, 2020
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 27, 2020





Binawian ng buhay ang alamat ng Football na si Diego Maradona sa edad na 60 kahapon matapos atakihan sa puso sa kanyang tahanan sa Buenos Aires, Argentina. Hindi nawawala ang pangalan ni Maradona tuwing may usapin kung sino ang pinakamahusay na manlalaro sa kasaysayan ng laro.


Pinamunuan ni Maradona ang pambansang koponan ng Argentina na nagkampeon sa 1986 FIFA World Cup sa Mexico at naglaro rin sa tatlong iba pang edisyon nito noong 1982, 1990 at 1994. Nagbigay din siya ng kampeonato para sa mga club team niya simula sa Boca Juniors hanggang nangibang bansa siya sa Barcelona sa Espanya at Napoli sa Italya.


Sa taas na 5’5”, mas mataas ang ipinamalas na antas ng laro ni Maradona. Subalit dala rin ng pagiging pinakamalaking bituin ng Football ang kontrobersiya sa loob at labas ng palaruan.


Hindi makakalimutan ang kanyang “Hand of God” goal sa panalo kontra Inglatera sa quarterfinals ng 1986 World Cup. Nagreklamo ang mga Ingles dahil ginamit diumano ni Maradona ang kamay upang ipasok ang bola para sa 2-1 na tagumpay ngunit hindi binago ang tawag.


Kahit naglalaro na may pilay sa paa si Maradona, umabot pa rin ang Argentina sa finals ng 1990 World Cup sa Italya subalit natalo sila sa Kanlurang Alemanya, 1-0, ang kanilang tinalo para sa tropeo apat na taon ang nakaraan. Sa kanyang huling World Cup sa Estados Unidos noong 1994, pinauwi si Maradona matapos ang dalawang laro bunga ng pagiging positibo para sa ipinagbabawal na gamot.


Sa kanyang pagretiro, pinasok niya ang pagiging coach at hinawakan niya ang Argentina sa 2010 World Cup sa Timog Aprika. Nagsilbi rin siya sa mga club sa Argentina, Mexico at United Arab Emirates.


Ipinanganak si Maradona noong Oktubre 30, 1960 sa Buenos Aires. Kamakailan ay sumailalim siya sa operasyon sa utak at umuwi galing ospital noong Nobyembre 12.


Agad inutos ni Pangulong Alberto Fernandez ang tatlong araw ng pagluluksa at nag-alay din ng pakikiramay ang Santo Papa Francisco na isang malaking tagahanga ng Football. Naglabas din ng pahayag ang mga superstar na sina Pele, Cristiano Ronaldo at Lionel Messi na madalas hinahambing kay Maradona sa mga debate.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page