Legal na aswa at mga anak, tagapagmana ng namatay na seaman
- BULGAR

- Sep 18, 2024
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 18, 2024

Dear Chief Acosta,
Nagpakasal ako kay Arnold, isang seaman, noong 1990, at nabiyayaan kami ng isang anak na pinangalanan naming Aira. Makalipas ang apat na taong pagsasama ay nagkaroon kami ng maraming hindi pagkakaunawaan na humantong sa aming hiwalayan. Nabalitaan ko na noong 1995 ay ikinasal siya muli sa kanyang pangalawang asawa at nagkaroon sila ng dalawang anak. Naikuwento rin sa akin ng kanyang kapatid na siya ay nagkasakit sa barko at tuluyan na ring namatay. Sinubukan naming mag-ina na kunin ang kanyang mga benepisyo na may kaugnayan sa kanyang pagkamatay, ngunit hinarang kami ng kanyang pangalawang asawa dahil diumano siya at ang kanyang mga anak ang nakapangalan bilang “beneficiary” sa mga benepisyo ni Arnold. Maaari ba na magkaroon ako at ang aking anak ng bahagi sa benepisyo ni Arnold na ibibigay ng kanyang employer? — Liza
Dear Liza,
Kamakailan lamang ay naglabas ang Korte Suprema ng desisyon sa kasong “Elenita V. Macalinao, Kenneth V. Macalinao and Kristel V. Macalinao vs. Cerina N. Macalinao and Cindy N. Makalinao, G.R. No. 250613, April 3, 2024, kung saan ipinaliwanag sa pamamagitan ni Honorable Associate Justice Alfredo Benjamin S. Caguioa na ang legal na asawa at ang mga anak ng namatay na seafarer ang may karapatan na kumuha ng kanyang mga benepisyo na may kaugnayan sa kanyang pagkamatay. Narito ang paliwanag ng Korte Suprema sa nasabing kaso:
“First, the Court finds that Elenita may not be considered a beneficiary of the benefits arising from Pedrito's death since she is not the latter's legal spouse. xxx
Second, Cerena may receive from the death benefits alongside all of Pedrito's children since she is Pedrito's legal spouse, and does not suffer from any of the disqualifications of heirs as provided for in the New Civil Code. xxx
Given that the POEA Memorandum Circular simply defines the beneficiaries of such death benefits as those in accordance with the rules on succession, the Court must apply the definition of legal or intestate heirs as the surrogate definition of who Pedrito’s beneficiaries are in this case, without regard to any other standard or measure against which the right to claim death benefits may be determined in other instances.”
Sa nasabing kaso ay nilinaw ng Korte Suprema na ayon sa Seksyon 3, ng POEA Memorandum Circular No. 10, Series of 2010, ang susunding batas upang malaman kung sino ang mga benepisyaryo ng isang seafarer at kung kanino ibibigay ang kabayaran na may kaugnayan sa kaniyang kamatayan ay ang batas patungkol sa manahan na nakasaad sa New Civil Code of the Philippines.
Ayon sa Artikulo 887 ng nasabing batas, kabilang sa mga tagapagmana ng isang tao ang kanyang legal na asawa at ang kanyang mga anak, lehitimo man o hindi.
Kailangang maintindihan natin na kapag ang isang tao ay mayroong naunang kasal na ayon sa batas, ang bisa nito ay nananatili kahit pa magkahiwalay na ang mag-asawa. Kaya naman, ang taong pinakasalan sa naunang kasal ay ang itinuturing ng batas na legal na asawa.
Kaya kung mag-asawa siyang muli, habang nananatili ang kanyang unang kasal, walang bisa ang pangalawang kasal at hindi maituturing na legal na asawa ang taong pinakasalan sa pangalawang kasal. Samakatuwid, hindi rin ito masasama bilang tagapagmana.
Sa punto ng mga anak, hindi nagtatangi ang batas sa kung sino ang magmamana mula sa kanilang ama. Ang kanyang mga anak, lehitimo man o hindi, ay parehas na magkakaroon ng bahagi. Magkakaroon lang ng pagkakaiba sa parte at bahagi ng makukuha sa pagitan ng mga lehitimo at hindi lehitimong anak.
Base sa mga impormasyong iyong ibinigay, ikaw at ang iyong anak ay maaaring magkaroon ng bahagi sa ibabayad ng kumpanya ng iyong asawa hinggil sa kanyang pagkamatay. Bilang ikaw ang itinuturing na legal na asawa sa paningin ng batas, maaari kang magkaroon ng parte sa nasabing benepisyo. Ang mga iba pang taong may bahagi rito ay ang iyong anak, at ang dalawang anak ng iyong asawa sa kanyang pangalawang asawa o kinakasama.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Seaman po Ang napangasawa ko Dito sa pilipinas po sya seaman di po kami kasal at may anak po kami may makukuha po bang benefits Ang mga bat I lang years lang po sya naging seaman?