top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Lebron-Less Lakers, sinamantala ni Clarkson ginanahan ang Fil-Am

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 14, 2024
  • 2 min read

ni Anthony Servinio @Sports | January 14, 2024



Photo: Utah Jazz / Instagram


Ginanahan si Pinoy Pride Jordan Clarkson at tinulungan ang Utah Jazz na talunin ang kanyang dating koponan Los Angeles Lakers, 132-125, sa tampok na laro sa NBA kahapon sa Delta Center.  Sumosyo din sa liderato ng Western Conference ang nakakagulat na Oklahoma City Thunder na wagi sa Orlando Magic, 112-100, sa gabi na maraming superstar ang lumiban sa buong liga. 

       

Pumasok ang Lakers na wala si LeBron James subalit hindi sila natinag at kinuha ang first half, 67-64.  Kumilos ang Jazz sa third quarter at inagaw ang bentahe sa likod ng 12 puntos ni Lauri Markkanen at hindi na nila binitawan ito, 100-95.


Limang sunod na panalo na ang Jazz para sa kartadang 21-20.  Nagtapos na may 29 si Markkanen habang 25 si Collin Sexton at 21 kay Clarkson.

 

Tumabla ang Thunder sa nagpapahingang Minnesota Timberwolves sa 27-11.  Walang nakapigil kay Shai Gilgeous-Alexander na umusok para sa 37 puntos.

       

Nagising mula sa mapait na talo laban sa Milwaukee Bucks noong isang araw, itinatak ng Boston Celtics ang kanilang estado bilang numero unong koponan ng liga at dinurog ang Houston Rockets, 145-113.  Balik ang mainit na opensa ng “The Jays” at may 32 si Jaylen Brown kasama ng 27 ni Jayson Tatum. 

         

Kinuha ng New Orleans Pelicans ang pagkakataon na lumiban si Luka Doncic at dinaig nila ang Dallas Mavericks, 118-108.  Kumuha ng lakas ang Pelicans kay rookie Jordan Hawkins na gumawa ng 34. 

         

Isa pang superstar ang nagpahinga at  wala si Stephen Curry para sa Golden State Warriors na pinaluhod ng Bucks, 129-118.  Namayagpag si Giannis Antetokounmpo sa kanyang 33 puntos at tumulong si Damian Lillard na may 27. 

     

Idiniin ng Chicago Bulls ang kanilang pagwalis sa San Antonio Spurs, 122-116, sa 24 puntos at 16 rebound ni Nikola Vucevic.  Ito ay bihirang pagkakataon na mga koponan mula sa magkaibang conference ay magtatapat ng tatlong beses imbes sa kinagawiang dalawa.  


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page