top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Lebron Finalist na sa West, Warriors ni Curry laglag

Writer: BULGAR
BULGAR
May 14, 2023
2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 14, 2023



Winakasan ng Los Angeles Lakers ang paghahari ng World Champion Golden State Warriors, 122-101, sa NBA Playoffs kahapon sa Crypto.com Arena. Bago nito ay nauna ang Miami Heat sa Eastern Conference Finals at pinauwi ang New York Knicks, 96-92.


Simula pa lang ay umarangkada ang Lakers, 27-12, at idinikta ang takbo ng buong laban.


Lalong ginanahan ang Lakers sa hagis ni Austin Reaves mula 53 talampakan kasabay ng busina ng halftime, 56-46, at binitbit ito sa second half kung saan lumaki ang agwat sa 106-82 papasok sa huling pitong minuto sa dalawang free throw ni Reaves din.


Nanguna sa Lakers si LeBron James na may 30 at hindi nalalayo si Reaves na may 23 puntos at nanatiling walang talo ang Lakers sa tahanan ngayong playoffs. Tanging sina Stephen Curry na may 32 at reserba Donte DiVincenzo na may 16 ang Warriors na may higit 10 puntos.


Kumapit ang Heat sa huling anim na minuto matapos nilang sayangin ang kanilang 85-76 lamang at nagbanta ang Knicks, 90-92, at 54 segundo sa orasan. Kinailangan ang apat na free throw nina Jimmy Butler at Max Strus upang makaiwas sa disgrasya at tapusin ang serye, 4-2.


Bumuhay sa Miami sina Butler na may 24 at Bam Adebayo na may 23 puntos habang nabaliwala ang 41 puntos ni Jalen Brunson ng New York. Ito na rin ang ika-pitong beses sa kanyang 15 taon na ginabayam ni kabayan Coach Erik Spoelstra ang Miami sa East Finals.


Pupunta na ang Lakers sa Denver Nuggets para sa Game One ng Western Conference Finals ngayong Miyerkules sa Ball Arena. Hihintayin pa ng Miami ang kanilang makakalaro at gaganapin ang winner-take-all Game Seven ng Philadelphia 76ers at Boston Celtics sa Lunes.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page