Learning loss, mental distress, missed vaccinations at mataas na kaso ng drop-out, dapat tutukan
sa balik-eskuwela
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 4, 2022
Ngayon ay unti-unti na nating nararamdaman ang labis na naging epekto ng pandemya hindi lamang sa buhay at ating kabuhayan kundi sa naging sistema ng ating edukasyon dahil ang mga batang mag-aaral ang labis na nasalanta.
Hindi lang naman sa Pilipinas nakaranas ng ganitong pangyayari dahil tinatayang nasa 140 milyong mag-aaral sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang nakaranas ng grabeng pagkaantala dahil sa COVID-19.
Ayon sa ulat ng United Nations Children’s Fund (UNICEF), ang Pilipinas umano ay isa sa limang bansa na hanggang ngayon ay hindi pa seryosong ipinapatupad ang face-to-face classes bagama’t may mga paghahanda nang isinasagawa.
Ito nga ay dahil sa malaking banta pa rin ng COVID-19 na hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang natutuklasang bagong variant na labis na ipinag-aalala ng mga eksperto na anumang oras ay muling tumaas ang mga kaso na malaking epekto sa edukasyon.
Sa kabila ng pagbabalik at pagbubukas na ng mga eskuwela sa maraming bahagi ng mundo ay malaki pa rin ang agam-agam ng ating pamahalaan na dapat ay handang-handa ang ating mga magulang at mga guro sa napipintong pagbubukas na ng klase.
Malaki kasi ang isasagawang pagbabago sa panig ng mga guro kung paano nila muling iaakma ang kaisipan ng mga mag-aaral na ilang taon ding nasanay dahil sa puwersahang pagpapatupad ng online classes, lalo na sa hanay ng mga batang nasa Kinder at Grade 1 sa panahon ng pandemya.
Ang mga batang nagsimulang mag-aral sa panahon ng pandemya sa pamamagitan ng distance learning ay dadalo na ng face-to-face classes at ang iba ay nasa Grade 2 o Grade 3 na agad sa unang araw na papasok na sila sa eskuwela.
Umaasa tayo na sapat itong pinaghandaan ng Department of Education (DepEd) ngunit isa lamang ito sa malaking pagbabago na kanilang kakaharapin sa oras na magbalik-eskuwela na ang mga mag-aaral matapos ang halos dalawang taong pagsasara.
Kabilang sa mga dapat na mabigyan ng atensyon sa muling pagbubukas ng klase ay ang learning loss, mental distress, missed vaccinations, at mataas na kaso ng drop-out na lahat ay naganap sa kasagsagan ng pandemya.
Medyo nakalulungkot kasi na sa kabila nang pagsisikap ng pamahalaan na mabigyan lahat ng tamang edukasyon ang mga bata ay umabot pa rin sa 29 porsyento ng mga mag-aaral ang hindi nito naabot partikular ang mga nasa bulubunduking bahagi ng bansa.
Marami ang hindi makalahok sa isinasagawang remote learning dahil sa kakulangan ng suporta sa teknolohiya, hindi maayos na learning environment at mga batang inoobligang gumawa ng gawaing bahay ng kanilang mga magulang o obligadong magtrabaho dahil sa kahirapan ng buhay.
Nakababahala nga itong inilabas na ulat ng UNICEF na 85% umano ng mga batang Pinoy na may sampung taong gulang ang hirap makabasa o hirap makaintindi ng kanilang binabasa—na matinding epekto nga ng mahabang panahon na walang face-to-face class.
Nilalaman ng naturang ulat na tatlo lang sa bawat dalawampung bata sa ating bansa ang nakakabasa o nakakaintindi ng isang simpleng aralin at tinawag ito ng UNICEF na ‘learning poverty’.
Nakalulungkot man ngunit huwag tayong masyadong panghinaan ng loob dahil sa ang 85 porsyento ng mga batang dumaranas ng learning poverty sa bansa ay higit na mababa kumpara sa tantiya ng UNICEF na 90 porsyento noong nakaraang Nobyembre 2021.
Noong 2019 kasi, bago pa man magkaroon ng pandemya ay nasa 69 porsyento lamang ang ating learning poverty na bagama’t may kataasan na rin ay hindi naman sobrang nakababahala na umabot na nga tayo ng 85 porsyento.
Marahil ay labis talagang nakaapekto na sa 122 mga bansa sa buong mundo na nagsuspinde ng mga klase sa kani-kanilang paaralan ay ang Pilipinas ang may pinakamahabang panahon na hindi pinahintulutan ang face-to-face class.
Ang isa pa sa nakalulungkot ay pinakaapektado sa pangyayaring ito ang mga batang nagmula sa mga mahihirap na pamilya, naninirahan sa mga kanayunan at mga batang may kapansanan na hirap mag-aral mag-isa online.
Iba kasi ang sitwasyon ng mga batang may kaya sa buhay ang mga magulang na tustusan sila sa kanilang online schooling dahil karamihan sa mga ito ay maayos namang nakakapag-aral maliban sa hindi rin sila nakalalabas ng kani-kanilang tahanan.
Noon pa man ay may kinakaharap na tayong problema sa sistema ng ating edukasyon dahil sa palagi tayong kasama sa listahan ng mga bansang hindi makasabay sa kasalukuyang pamantayan ng edukasyon na pinaiiral sa maraming bansa, na lalo pang lumala dahil sa pandemya.
Pero sana sa unti-unti na nating pagbabalik sa new normal ay muli na tayong makabangon lalo na sa ating edukasyon at naniniwala akong matatalino ang mga Pilipino kaya magtulungan tayo na maabot ito.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments