LBJ, uminit sa triple-double, Jokic, tagumpay sa Nuggets
- BULGAR
- Feb 2, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | February 2, 2023

Itinala ni LeBron James ang kanyang unang triple double ng torneo na 28 puntos, 10 rebound at 11 assist at tinalo ng Los Angeles Lakers ang New York Knicks sa overtime, 129-123, sa tampok na laro sa NBA kahapon sa Madison Square Garden. Triple double din si MVP Nikola Jokic at nagtagumpay ang numero uno ng Western Conference Denver Nuggets ang New Orleans Pelicans, 122-113.
Mula sa 118-118 tabla, bumanat ng 3-points si Dennis Schroder na sinundan ng mga shoot nina Anthony Davis at Russell Westbrook para sa 125-118 lamang at hindi nakabawi ang Knicks sa nalalabing isang minuto. Bago noon ay itinakda ni Jalen Brunson ng New York ang overtime sa kanyang buslo na may 24 segundo pa sa 4th quarter, 114-114.
Dahil sa 11 assist ay mayroon nang kabuuang 10,338 si LBJ at tahimik umakyat sa pang-apat na puwesto at nilampasan sina Steve Nash (10,335) at Mark Jackson (10,334) para sa pinakamarami sa kasaysayan ng liga. Tanging sina John Stockton (15,806), Jason Kidd (12,091) at Chris Paul (11,246) na lang ang mga hahabulin at aktibo pa si Paul sa Phoenix Suns.
Nagsumite si Jokic ng 26 puntos, 18 rebound at 15 assist para sa kanyang ika-16 na triple double ngayong taon. Nanguna sa kanyang 32 puntos galing sa pitong tres si Jamal Murray para sa kartadang 35-16.
Samantala, nominado muli si kabayan Jalen Green ng Houston Rockets para sa Jordan Rising Stars sa parating na NBA All-Star Weekend sa Salt Lake City, Utah. Nagpangalan ang liga ng 21 rookie at mga nasa kanilang pangalawang taon sa tulad ni Green at hahatiin sila sa tatlong koponan na hahawakan ng mga alamat na sina Pau Gasol, Joakim Noah at Deron Williams.





Comments