top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

LBJ, All-time Leading Scorer sa NBA, hari na

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 9, 2023
1 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | February 9, 2023




Walang duda na si LeBron James na ang nag-iisang may pinakamaraming puntos sa kasaysayan ng NBA. Sa gitna ng kasiyahan dala ng bagong marka ay itinakas ng bisitang Oklahoma City Thunder ang 133-130 panalo kahapon sa Crypto.com Arena.


Naka-shoot si James laban sa depensa ni Kenrich Williams na may 10.9 segundong nalalabi sa third quarter para sa kanyang ika-36 na puntos sa laro at 38,388 puntos sa 1,410 laro mula pa noong 2003. Saglit itinigil ang laro at nagdaos ng seremonya kung saan iginawad nina NBA Commissioner Adam Silver at dating may hawak ng marka Kareem Abdul Jabbar ang bola kay LBJ na pilit nilabanan ang emosyon.


Mula sa 104-99 lamang ay ipinalaki ng Thunder ang agwat sa 129-116 hanggang napasok ni James ang kanyang nag-iisang buslo sa fourth quarter na may 1:51 subalit nabitin ang huling hirit ng Lakers. Nanguna sa Oklahoma City si All-Star Shai Gilgeous-Alexander na may 30 puntos habang 25 puntos si Jalen Williams.


Nagtapos si LBJ na may 38 puntos sa 34 minuto at sinundan ni Russell Westbrook na may 27. Hindi pa siya ipinapanganak noong nilampasan ni Laker Abdul Jabbar ang 31,419 ng isa pang alamat ng Lakers na si Wilt Chamberlain noong Abril 5, 1984 sa 129-115 tagumpay sa Utah Jazz sa Las Vegas, Nevada.


Samantala, maglalaro si kabayan Jalen Green ng Houston Rockets sa Team Deron sa Jordan Rising Stars sa parating na All-Star Weekend. Ito ang ikalawang sunod na taon na magiging bahagi ang binata sa larong tinatampukan ng mga pinakamahusay na rookie at mga nasa ikalawang taon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page