Laya na, balik sa show… VHONG, AYAW MANOOD NG IT'S SHOWTIME NU'NG NAKAKULONG PA
- BULGAR
- Jan 17, 2023
- 3 min read
ni Julie Bonifacio @Winner | January 17, 2023

Vonggacious ang pagbabalik ni Vhong Navarro sa It’s Showtime kahapon, Jan. 16 (Lunes).
Super happy and emotional si Vhong na panay ang pagpatak ng luha habang wine-welcome ng mga kasamahang hosts sa It’s Showtime at ng madlang pipol.
“Pagpasok ko ng ABS, sabi ko, ayaw kong umiyak. Kasi, eto ‘yung pangalawang bahay ko, eh.
Dito, kung anuman ‘yung pinagdaraanan ko sa buhay, tanggap ka rito. Dahil ito ‘yung mga kapatid ko, pamilya ko. At kasama roon ang madlang pipol. Extension kayo ng pamilya namin,” pahayag ni Vhong.
Pinipigilan mang umiyak, ‘di raw magawa ni Vhong.
“Kaya lang, pagdating ko rito sa backstage, wala, eh. Bumabagsak talaga siya, eh. Sabi ko, i-lock ko muna, i-pin code ko muna. Kalimutan ko ‘yung password para ‘wag siyang pumatak.
Pero pumatak pa rin, eh. Ang sarap ng pagtanggap n’yo sa akin,” kasunod ang pag-iyak ni Vhong.
Hindi raw alam ni Vhong kung paano niya pasasalamatan ang mga taong nagdasal, naniwala at hindi siya iniwan.
Inamin naman ni Vhong na iniwasan niyang manood ng It’s Showtime habang nasa loob ng piitan. Sobra lang daw siyang nalulungkot at nami-miss ang mga kasamahan sa show. Kaya naisip niya na paglabas na lang niya, saka siya manonood at babalik sa It’s Showtime.
“Kaya lang paglabas ko, hindi ko pa kayang bumalik pala agad. Kasi may kailangan, may prosesong kailangang gawin. Pero mabait ang Panginoon, eh. Talagang hindi Niya ako pinabayaan, kaya nandito ako ulit. Kaya maraming salamat sa ABS-CBN dahil meron pa rin akong trabaho at nandito pa rin ang pamilya ko.”
Siyempre, masayang-masaya ang mga kasamahang hosts ni Vhong sa It’s Showtime lalo na si Vice Ganda.
Na-happy din daw si Vice na habang nakakulong si Vhong, 95% ng mga nabasang comments sa socmed ng gay comedian tungkol sa kapwa niya host sa It’s Showtime ay positive.
“'Pag nandoon ka pala sa loob, parang ang hirap, kasi nakita ko 'yung mga inmates ko doon, sa NBI, sa Taguig (City Jail). Naawa ako roon sa mga walang dumadalaw sa kanila. ‘Yung iba, iniwan na ng pamilya. At ‘yung iba, parang katulad ko na wala namang ginawa pero nandoon.
“Ano ka, eh, ite-test ka talaga ni God kung ano ‘yung faith mo sa Kanya. Kaya sabi ko kay Kuya Ogie (Alcasid), ang hope at faith, dapat magkasama ‘yan, eh. Hindi pupuwedeng isa lang d’yan ang mataas. Dapat, magkaparehas ‘yan, pantay ‘yan.
“So, kumapit ako sa Panginoon. Kumapit ako sa asawa ko, sa mga anak ko, sa pamilya ko, sa mga kaibigan ko at sa mga taong nagdarasal at naniniwala sa akin. Kaya patuloy akong lumaban na malampasan ang mga problemang pinagdaraanan ko, ganoon,” madamdaming paglalahad ni Vhong.
Sa pagwe-welcome ni Anne kay Vhong ay tinawag niyang Wonder Woman ang misis ng komedyante na si Tanya Bautista.
“I know you have to take your time as well to be with the people who really, really missed you.
Isa na d’yan ang Wonder Woman na si Tanya. Saludo rin talaga ako kay Tanya. But, I just wanna say, we’re so happy to have you back, and welcome home,” sabi ni Anne.
Sumunod na nagbigay ng kanyang mensaheng pagsalubong kay Vhong ay si Ogie Alcasid.
“What’s up, Bro?! Hindi, nakakatuwa kasi alam mo, nu’ng wala ka, parang nagdarasal kami ng milagro na bumalik ka na. ‘Yun pala, ikaw ‘yung milagro. You’re a miracle, Bro,” lahad ni Ogie.
Pagbati naman ni Kim Chiu kay Vhong, “Sabi nga nu'ng kanta, when you call me, I'll be there.
Alam mo 'yan, lagi akong nand'yan para sa ‘yo."
Obviously, love na love si Vhong ng mga co-hosts niya sa It's Showtime at nasabik sila sa pagbabalik nito.
Nag-top trending nga agad si Vhong sa Twitter pagkatapos ng kanyang comeback appearance sa It’s Showtime.
Pero may nakita lang kaming tanong ng netizen na bakit daw kaya walang nabalitang dumalaw kay Vhong sa NBI man o Taguig habang nakakulong ito noon?





Comments