Last day na ng kampanya, pangungutya, paninira at grabeng pamumulitika, itigil na!
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | May 6, 2022
Bukas na ang pinakahuling araw ng kampanya at tiyak na makararanas tayo ng kabi-kabilang meeting de avance, mga parada at kung anu-ano pang pagtitipon at aktibidades ng mga kandidato para sa huling pagkakataon ay hingin nila ang suporta ng mga botante.
Ito na rin ang panahon para ubusin na ang mga natitira pang giveaways o kahit anong campaign paraphernalia dahil sa wala na itong magiging gamit sa mga susunod na araw bukod sa dagdag-basura na lamang.
Ibig sabihin, bukas ay huling araw na ng 90 araw ng pangangampanya para sa nasyunal at 45 araw para naman sa lokal na sana ay hudyat na ito na dapat ay tapos na ang matinding pamumulitika sa bansa at suportahan natin kung sino ang mananalong kandidato.
Alalahanin natin na ang isinagawa nating kampanya ay preparasyon lamang para sa iisang araw na eleksyon at marahil ay sapat na ang panahong ibinigay ng Commission on Election (Comelec) para ilatag ang mga plataporma ng bawat kandidato.
Tandaan natin na hindi naman iisang grupo lang ang mamimili ng kandidatong ating iluluklok sa puwesto dahil buong bansa ang magdedesisyon para dito at marapat lamang na tanggapin natin nang bukal sa ating loob kung sino man ang palarin.
Mahaba-haba rin ang panahon ng balitaktakan hindi lang sa panig ng mga kandidato dahil higit na mas mainit ang mga tagasuporta na pinagmumulan ng mga masasakit na pananalita at ang iba ay lumilikha pa ng fake news basta’t makapanira lamang ng kalabang kandidato.
Sana ay sundin natin ang itinakdang panahong ipinagkaloob ng Comelec at tuldukan na natin ang walang tigil na pamumulitika bagkus ay magkaisa tayo para sa ikauunlad ng ating sambayanan at bigyan natin ng respeto ang resulta ng halalan.
Sinasabi ko ang mga paalalang ito dahil karaniwang sitwasyon na sa ating bansa ang hindi pa rin tumitigil sa pangungutya, paninira o labis na pamumulitika kahit tapos na ang kampanya at kahit may resulta na ang halalan.
Palagi na lamang sinisira ng mga supporter na mula sa kampo ng mga talunang kandidato ang kredibilidad ng halalan at palaging pinalalabas na dapat pagdudahan ang resulta dahil may naganap na dayaan.
Bihirang-bihira sa mga kandidato ang kinakikitaan ng pagkamaginoo at maluwag sa dibdib na tinatanggap ang pagkatalo dahil sa udyok ng mga tagasuporta na sigaw nang sigaw sa kalye para palabasing biktima sila ng pandaraya.
Hindi naman masamang magreklamo kung talagang may dapat ireklamo dahil karapatan naman ito ng bawat kandidato, ngunit dapat lamang na ilagay natin sa legal na paraan at may prosesong sinusunod sa ilalim ng umiiral na batas.
Huwag na huwag nating ilalagay ang batas sa ating mga bibig, dahil mamamaos lamang tayo sa kasisigaw ngunit wala ring kahihinatnan kung hindi ang maghahasik lamang ito ng kaguluhan na paulit-ulit na lamang nangyayari sa tuwing matatapos ang halalan.
May iba naman na tapos na ang eleksyon ay patuloy pa rin sa pangangampanya, na walang iniwan sa patay na kalabaw na pilit pa ring inilalaban nang suwagan kahit alam nang wala ng pag-asa dahil hindi nga natutong tumanggap ng pagkatalo.
Kung ganito pa rin ang magiging mentalidad ng marami sa ating mga kababayan na napadpad sa natalong kandidato ay wala talagang mangyayari sa ating bansa dahil habambuhay na lamang tayong mangangampanya at pilit pa ring igigiit na mas mahusay ang natalo nilang kandidato.
Mahalagang-mahalaga ang pagkakaisa at mawawalan tayo ng tamang direksiyon para umunlad kung ang mga kababayan nating mula sa hanay ng mga natalong kandidato ay masyadong pinipersonal ang resulta ng halalan.
Inaasahang ang mga kababayan nating may ganitong pag-iisip ay wala ng ibang gagawin sa panahon ng panunungkulan ng mga nahalal na kandidato kung hindi ang mambatikos araw-araw at maghanap ng mali.
Posible ring may mga kandidatong hindi rin matanggap ang pagkatalo at malamang na pondohan pa ang kanilang mga tagasuporta na mag-ingay sa kalye para ipakita lamang sa lahat na magulo ang panunungkulan ng kandidatong tumalo sa kanila.
Tandaan ninyo na isinusulat ko ang paalalang ito nang wala pang nananalo at natatalong kandidato, dahil sa ilang ulit na nating napanood ang pangyayaring ito at ang resulta ay nadadagdagan lamang ang kaguluhan sa bansa.
Sana ay kalimutan na natin ang napakalumang sistema ng pulitika sa bansa at ang pagpili sa bagong manunungkulan sa kahit anong puwesto sa bansa ay isang pagkakataon para magkaroon ng pagbabago at hindi nangangahulugan na kapag natalo ang pinili mo ay hindi na tayo uunlad.
Pagkatapos ng kampanya at eleksyon ay isantabi na muna natin ang pulitika at sama-sama nating suportahan kung sino man ang mas pinili ng nakararaming Pilipino. Babangon tayong muli at mahalin natin ang Pilipinas!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments