Last 16 ba o tiket pauwi para sa Filipinas Booters?
ni Anthony E. Servinio @Sports | July 30, 2023

Laro ngayong Linggo – Eden Park, Auckland
3:00 p.m. Pilipinas vs. Norway
Last 16 o tiket pauwi ang naghihintay sa Philippine Women’s Football National Team sa kanilang napakahalagang laro kontra World #12 Norway sa huling araw ng Group A ng 2023 FIFA Women’s Football World Cup sa Eden Park ng Auckland simula 3 p.m. oras sa Pilipinas.
Hindi hawak ng Filipinas ang kanilang buong kapalaran at kailangang maging pabor sa kanila ang resulta ng kasabay na laro ng Switzerland at co-host New Zealand sa Dunedin Stadium.
Kasalukuyang hawak ng Swiss ang liderato na may apat na puntos mula sa 1-0 panalo sa Filipinas at 0-0 tabla sa Norway. May tig-tatlong puntos ang New Zealand at Pilipinas subalit hawak ng Ferns ang tiebreaker habang huli ang Norway na may isang puntos.
Upang makaiwas sa komplikasyon, isang higanteng panalo ng Filipinas ang tutulak sa kanila sa Last 16 simula Agosto 5. Kung matalo, dapat hindi sila tambakan ng Norway at manaig ang Swiss sa Ferns ng malaki para makapasok ang mga Pinay.
Nakahanap ng bagong kumpiyansa ang Filipinas matapos gulatin ang New Zealand, 1-0, noong Hulyo 25 sa Wellington. Maliban kay goal scorer Sarina Bolden at Player Of The Match goalkeeper Olivia McDaniel, may mga alas ang Filipinas na maaaring gamitin kontra Norway na sina Sara Eggesvik at Meryll Serrano na parehong lumaki at natuto ng Football doon.
Naging kakampi pa nina Eggesvik at Serrano ang ilang mga kasapi ng Norway noong naglalaro pa sila sa mga Junior Team ng bansa tulad ng Under-23 bago lumipat sa Pilipinas. Dahil dito, papasok ang Filipinas na may nalalaman tungkol sa kanilang mga kalaro at makakatulong din na nakakaintindi ng wikang Norwegian ang dalawa.
Pero kung si Coach Alen Stajcic ang tatanungin, hindi niya binibigyan ng pansin ang usapin at sa huli ang mahalaga ay Pilipinas ang kinakatawan nila. Sa opisyal na pulong balitaan bago ang laro, inulit ng coach ang lagi niyang sinasabi na wala siyang pakialam kung saan galing ang mga katunggaling manlalaro.





Comments