Laro ni Nabor pumabor sa panalo ng Crossovers
ni GA @Sports | October 20, 2023

Mga laro sa Sabado
(Batangas City)
5 pm – Petro Gazz vs Gerflor
7 pm – Creamline vs Cignal
Naging mahusay ang pagmamandong ipinakita sa laro ni playmaker Jasmine Nabor upang maging epektibo ang takbo ng laro ng Chery Tiggo Crossovers tungo sa ikalawang sunod na panalo laban sa baguhang Galeries Tower Highrisers sa straight set 25-14, 25-15, 25-21 sa pambungad na hatawan ng triple-header kahapon sa 2023 Premier Volleyball League (PVL) second All-Filipino Conference sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.
Naging malaking tulong para sa panibagong panalo ng Crossovers ang mahusay na pagtitimon sa opensa ni Nabor na tumapos ng 14 excellent sets, 7 pts mula sa 3 blocks, 2 aces at 2 atake, habang kumamada ng husto sa opensa ang magkapatid na Ennajie “EJ” at Ejiya “Eya” Laure na tumapos ng kabuuang 15 puntos mula sa 13 atake at tig-isang ace at block, kasama ang siyam digs at apat receptions at pagsegunda ng nakababatang kapatid na si Eya sa 12pts, para sa magandang simula ng Crossovers sa 2-0 kartada. Nag-ambag rin si Shaya Adorador ng 7pts at Imee Hernandez ng 5pts.
“Malaking tulong sa akin ito para tumaas yung confidence ko and mas mag-improve pa, and nakikita naming lumalabas yung pinapagawa nila coach sa game kahit sinong nasa court,” pahayag ni Nabor na nakatulong ng malaki ang paglalaro sa Foton Tornadoes at pagbabalik at paglalaro muli sa Chery Tiggo.
“Para sa akin happy ako kase halos lahat nakalaro talaga at nag-deliver and syempre nakakatulong sa upcoming games namin para ma-boost yung confidence ng mga team mates naming,” wika naman ni EJ na nagsisilbing lider ng grupo. Tanging si Mary Dominique “Dimdim” Pacres ang nag-iisang tumapos ng doble pigura para sa Galeries.





Comments