Lapiz at Camacho, iniwan ang Kenyan sa simultaneous run
ni Anthony E. Servinio @Sports | February 10, 2023

Bumida ang mga beteranong sina Florendo Lapiz at Maricar Camacho sa matagumpay na pagtatapos ng Run 7-Eleven 2023 na sabay-sabay na ginanap sa mga lungsod ng Muntinlupa, Cebu at Davao noong Sabado at Linggo. Itinanghal na pinakamabilis ang dalawa sa main event ng marathon kasama ang iba pang mga kampeon na kakatawanin ang Pilipinas sa isang karera sa ibayong dagat ngayong taon.
Nagkampeon si Lapiz sa Cebu sa oras na 2:34:32 at iniwan sina Joseph Mururi ng Kenya (2:44:40) at Jeson Agravante (2:46:46). Walang hirap si Camacho sa pag-reyna sa Muntinlupa sa oras na 3:06:33 na mahigit isang oras ang agwat sa pumangalawang si Lany Cardona-Adaoag (4:21:51) at pangatlong si Fredelyn Ramos (4:39:06).
Sa bilis ni Camacho ay nagtapos siya ng pangkalahatang pang-apat sa likod ng kampeon sa kalalakihan na si Welfred Esporma (2:46:13) at sina Salvador Polillo (2:47:03) at Kenyan Albert Omboga (3:02:49). Ang mga wagi sa kababaihan sa Cebu ay sina Jennelyn Nobleza (3:20:25), Myrel Benignos (3:28:29) at Stephanie Cadosale (3:30:45).
Noong nakaraang edisyon ng Setyembre ay parehong tumakbo sa Davao ang pinakamabilis na sina Bryan Quiamco at Judelyn Miranda. Nadepensahan ni Miranda ang korona sa oras na 3:20:07 at sinundan nina Ma. Estela Diaz (4:14:13) at Rosalyn Agatia (4:23:22).
Naagaw ni Jeorge Andrade ang kampeonato kay Quiamco sa 2:35:12 na 41 segundo lang ang lamang sa dating kampeon. Pumangatlo si Jerald Zabala sa 2:40:19.
Ginanap sa unang pagkakataon sa Muntinlupa ang espesyal na Marathon para sa Senior Citizens at nanaig sina Florencio Rimon (3:50:48), Rocky Boy Taylan (3:52:54) at Rodil Dionisio (4:35:24). Nag-iisang nagwagi sa kababaihan si Lorna Orno-Vejano (6:36:40) dahil lampas sa takdang pitong oras ang ibang mga kalahok.
Ayon kay Jose C. Ang Jr. ng 7-Eleven at Presidente ng National Masters and Seniors Athletics Association of the Philippines (NMSAAP), maaaring palawakin ang Seniors sa ibang lungsod at sa ibang kategorya sa susunod na 7-11 run.





Comments