top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Lani, mabuting asawa, ina at lingkod-bayan, happy birthday!

BULGAR
Apr 13, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 13, 2022


Napakahalaga ng araw na ito — Abril 13, hindi lang sa akin kung hindi maging sa aking mga anak dahil ngayong araw na ito isinilang ang babaeng mahal ng napakaraming tao, ang aking maybahay na si Lani Mercado-Revilla.


Sino ang magsasabing ngayong araw na ito ay 54-anyos na ang aking maybahay na kung ikukumpara natin sa ibang kaedad niya ay masasabi kong napakasuwerte kong tao dahil parang hindi talaga siya nagbabago.


Napakaganda pa rin niya at hindi ito sinasabi dahil asawa ko siya, pero ito talaga ang totoo at kung hindi lamang siya kilala ay mapagkakamalan pa siyang isang ordinaryong office girl dahil napanatili niya ang kanyang ganda at katawan.


Hindi sa nagyayabang, pero hanggang ngayon masasabi kong sexy pa rin ang aking maybahay na kung hindi mo alam ay aakalain mong nasa 30-anyos lamang at siyempre bilang asawa ay labis ko itong ikinatutuwa.


Napakabilis ng panahon, si Lani na noon ay abala sa showbiz nang una kong masilayan hanggang sa aking ligawan at agad kong pinakasalan sa Amerika noong 1986 at muli ko pang pinakasalan sa Pilipinas na dinaluhan hindi lang ng aming kaanak ngunit halos lahat ng nagmamahal sa amin.


Aakalain mo bang ang pangangatawan ngayon ng aking maybahay ay nagluwal ng anim na magagandang anak na ang ilan ay may mga asawa na at apat na ang aming apo na lalong nagpasaya sa lumalaki pa naming pamilya.


Unang ipinanganak noong November 1986 si Leonard Bryan; Marso 1988 ay ipinanganak naman si Jolo na Jose Lorenzo ang tunay na pangalan at kasalukuyang Vice Governor ng Cavite at ikinasal na kay Angelica Alita; Oktubre 1989 ay isinilang na si Inah Felicia na napangasawa naman ni Vince del Rosario.


Agosto 1995 ay ipinanganak naman si Ma.Viktoria Gianna na ikinasal lamang kamakailan; tapos Oktubre 1997 ay sinundan naman ni Ma. Franzel Loudette at ang pinakabunso ay si Ramon Vicente na isinilang naman noong Disyembre 1998.


Isa ‘yan sa napakalaki kong suwerte sa aking maybahay na ipinagpapasalamat ko nang husto dahil sa nagawa niyang magabayan ang anim kong anak at nagsilaki na mga mabubuting tao at lahat ay bukas-palad sa pagtulong sa kapwa.


Sabay ng aming pagpapalaki sa aming mga anak ay pumalaot ako sa pulitika bilang bise-gobernador noon ng Cavite hanggang maging gobernador at ngayon ay nahalal pa akong senador sa ikatlong pagkakataon.


Dito ay naranasan ko kung paano gampanan ng aking maybahay ang pagiging asawa, ina at higit sa lahat ang pagiging lingkod-bayan dahil sa sobrang dami ng mga taong nagtutungo sa aming tahanan ay siya lahat ang nangunguna sa pag-aasikaso.


Hanggang taong 2010 ay nagpasya na itong pangatawanan ang pagsisilbi sa taumbayan kaya naging representative ito ng 2nd District ng Cavite hanggang 2016 at nahalal na mayor ng Bacoor City hanggang sa kasalukuyan.


Hindi ko akalain na malayo rin ang mararating sa pulitika ng aking maybahay dahil kitang-kita ko rin kung paano siya magtrabaho at napakalaki ng naging ambag niya sa Bacoor City na labis na ikinatutuwa ng aming mga kababayan.


Lalo na ngayon na pawang mga professional na ang aming mga anak at halos wala nang iniintinding alagain ay mas lalo pa nitong nututukan ang pagiging lingkod-bayan at napakarami rin ng natutulungan niya hindi lamang sa Bacoor kung hindi sa buong 2nd District ng Cavite.


Isa pa sa magandang katangian ng aking maybahay ay ang pagiging maalalahanin sa maraming bagay tulad ng mga okasyon sa aming pamilya na palagi niyang ginagawang espesyal, kahit hindi marangya ay sinisikap niyang maging memorable.


Wala namang perpektong pamilya ngunit masasabi kong isa na ako sa may pinakamapalad na sitwasyon dahil nagkaroon ako ng pamilyang tulad ng meron ako ngayon at isang maybahay na palagi akong iniintindi sa aking mga sitwasyon.


Higit sa lahat ay hindi niya ako iniwan, bagkus ay sinamahan pa sa pinakamababang yugto ng aking buhay nang sampahan ako ng kaso ng mga kalaban sa pulitika, hanggang sa ako ay mapawalang sala dahil sa napatunayan ng hukuman na imbento lamang at walang katotohanan ang lahat.


Palagi ko ngang sinasabi sa mga tao na kung isisilang akong muli at bibigyan ng pagkakataong pumili ng babaeng aking makakasama sa buhay ay si Jesusa Victoria Garcia Hernandez o Lani Mercado-Revilla pa rin ang aking pipiliin — at galing ito sa aking puso.


Ngayong araw na ito ay buo ang pamilya na ipagdiriwang ang kaarawan ng isang mabuting asawa, ina at ngayon ay lingkod-bayan na mahal na mahal din ng kanyang mga tagasuporta.


‘Ma, Happy Birthday and I Love You!


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page