top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Lanete, Tallo, Huang at Santos, sasabak sa FIBA 3X3 World Tour

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 12, 2021
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 12, 2021





Apat na bagong mukha ang kakatawanin ang Manila Chooks TM sa pagsabak sa 2021 FIBA 3X3 World Tour Doha Masters ngayong Marso 26 at 27 sa Al Gharafa Sports Club. Pangungunahan ang kopona ng beteranong gwardiya si Chico Lanete at ang kapwa niyang gwardiya Mark Jayven Tallo at mga forward na sina Zachary Huang at Dennis Santos upang ipagpatuloy ang pag-usbong ng Pilipinas sa pandaigdigang 3X3.


Si Lanete ang tanging nakapaglaro sa 2020 Chooks To Go Pilipinas 3X3 President’s Cup kung saan ipinamalas niya ang kanyang malawak na karanasan sa PBA at mahusay na sportsmanship para sa Uling Roasters-Butuan. Aasahan na matutulungan niya ang kanyang mga kakampi upang maintindihan agad ang pagkakaiba ng 3X3 sa Basketball na limahan.


Saglit naglaro si Tallo sa PBA para sa Talk ‘N Text at NLEX matapos magpasikat noong kolehiyo sa Southwestern University at De La Salle University. Si Huang ay naglaro sa University of Santo Tomas habang bahagi si Santos ng kampeon ng 2012 NAASCU Saint Clare College of Caloocan.


Hindi pa tiyak kung sino ang haharapin ng Manila Chooks TM subalit lumalabas na napakabigat ng kompetisyon dahil naroon ang lahat ng Top 10 koponan ayon sa FIBA 3X3 World Ranking. Ang Riga ng Latvia ang defending champion at hahamunin sila ng Liman, Novi Sad at Ub ng Serbia, NY Harlem at Princeton ng Estados Unidos, Amsterdam ng Netherlands, Sakiai Gulbele ng Lithuania, Piran ng Slovenia at Edmonton ng Canada.


Maliban sa mga Pinoy, susubukan ding gumawa ng ingay ang Graz ng Austria na pumalit sa Beijing ng Tsina at dalawa pang koponan na pipiliin ng punong abala Qatar. Binigyan ng imbitasyon na maglaro ang Chooks 3X3 matapos ang matagumpay na President’s Cup bubble noong Oktubre sa Inspire Sports Academy sa Calamba City, Laguna.


Pagkatapos ng Doha ay magpapahinga saglit ang World Tour upang magbigay daan sa Olympic Qualifying Tournaments at 2020 Tokyo Olympics kung saan unang magiging opisyal na disiplina ang 3X3. Babalik ang World Tour sa Agosto 28 sa Debrecen, Hungary at inaayos pa ng FIBA ang mga karagdagang palaro, kabilang ang isang posibleng pagdalaw sa Pilipinas bilang kapalit ng naudlot na 2020 Manila Masters noong Agosto na gaganapin sana sa SM Megamall.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page