top of page

Lalarga na ang “E-Sumbong Mo, Aksiyon Ako system”!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 19, 2021
  • 2 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | May 19, 2021



Nakisabay na ang PNP sa mga netizens.


Inilunsad na ang “E-Sumbong Mo, Aksiyon Ako system”.


Wala nang kawala ang mga iskalawags at kriminal!


◘◘◘


IBIG sabihin, isinamoderno na agad ni PNP Chief Guillermo Eleazar ang epektibong reporting system ng mga krimen at iba pang kabulastugan sa lipunan.


Talagang susulitin ni Gen. Eleazar ang anim na buwan niyang panunungkulan!


◘◘◘


SA totoo lang, naipatupad na ito ni Eleazar nang siya ay nanunungkulan siya bilang NCRPO chief kung saan puwedeng mag-report ng krimen ang ordinaryong kahit gamit lang ang text o selpon.


Kumbaga, ini-enhance na itong mabuti at ngayon siya na ang hepe ng PNP, tiyak na magagamit ito nang maayos ng mamamayan!


◘◘◘


ANG sistemang ito ay epektibo kung saan maituturing itong isang klase ng “people’s participation”.


Aktuwal na magiging partner ng PNP ang ordinaryong mamamayan.


Ito ay pinakaepektibo sa panahon ng pandemya dahil agad maisusumbong ang mga mga lumalabag sa batas!


◘◘◘


ANG sistema ay kapag may nagsumbong ibinabato agad ng computer system ang sumbong sa concerned region/province at station.


Sa ganyang paraan, maaaksiyunan agad ang sumbong ng mamamayan!


◘◘◘


MAAARI rin mag-report ang mamamayan ng mga kahinahinalang tao o pangyayari sa kanilang lugar.


Agad naman rerespondehan at tutugunan ng mga operatiba o imbestigador ang mga ganitong report!


◘◘◘


NAGBABALA si Eleazar sa mga prankster o tatawag o magte-text nang katuwaan lamang o panloko.


Maaaring sampahan ng paglabag sa Anti-Cyber Crime Act ang mga manloloko!


◘◘◘


INAASAHAN ding sisigla ang kapulusan dahil aktuwal nang dinoble ang suweldo ng mga pulis kaya’t inaasahan aaksiyunan agad ang mga reklamo.


Kapag nagpabaya ang mga pulis, may paglalagyan sila dahil ipinatutupad din ang internal cleansing sa PNP.


Dinisiplina, kinakastigo at sinisibak ni Eleazar ang mga tamad at iskalawags!


◘◘◘


ANG E-Sumbong system ay siyang sagot sa kaliwa’t kanang reklamo sa mga tupada na ginagawa sa iba’t ibang lugar kakutsaba ang mga barangay.


Maiiwasan na rin ang kumpulan at illegal na aktibidad sa panahon ng pandemya dahil agad silang maisusumbong sa mga awtoridad gamit ang selpon!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page