top of page

Lalabag sa price freeze sa Camanava, sampulan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 13, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | August 13, 2024



Boses by Ryan Sison

Babala sa mga trader na mananamantala at magtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa gitna ng ipinapatupad na 60-day price freeze partikular na sa Camanava area.

Ito ang naging pahayag ng mga mayor ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela kasunod ng deklarasyon ng state of calamity dulot ng nagdaang Bagyong Carina at Habagat.


Sa magkakahiwalay na mga interview, ayon kina Caloocan Mayor Dave Gonzalo Malapitan, Malabon Mayor Jeannie Sandoval, Navotas Mayor John Rey Tiangco at Valenzuela Mayor Weslie Gatchalian, nagtalaga na sila ng task force sa kani-kanilang lungsod para mag-monitor ng mga presyo sa mga palengke at katulad na establisimyento.


Ipinaalala uli ng mga alkalde sa mga trader at market vendors ang tungkol sa 60-araw na price freeze na ipinapatupad ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga lugar na idineklara sa ilalim ng state of calamity. 


Ang Metro Manila, na binubuo ng 16 na lungsod at isang munisipalidad, ay agad na isinailalim sa state of calamity matapos ang nangyaring pagbaha sa buong metropolis noong July 24.


Hinimok naman ng mga mayor ang lahat ng mga konsyumer na i-report sa mga otoridad kung ang presyo ng mga bilihin ay lampas sa price ceiling at sinumang retailers na lumalabag sa Price Control Act.


Tiniyak din ng mga local chief executive na ang mga basic necessities ay mananatiling accessible habang abot-kaya ang presyo para sa lahat na apektado ng kalamidad.

Saklaw ng price freeze ang processed milk o gatas, tinapay, canned sardines, instant noodles, bottled water, kape, at iba pa.


Mabuti at agad na kumilos ang mga punong ehekutibo ng mga lungsod ng Camanava para mapigilan ang ginagawang taas-presyo ng mga pasaway na traders.


Batid naman natin na ang katatapos lamang na kalamidad ay nagdulot ng perhuwisyo sa ari-arian at kabuhayan ng maraming kababayan. Kaya nga isinailalim sa state of calamity para makabawi rin agad at hindi masyadong maging mabigat ang pasanin. 

Bukod dito, hindi tama na itaas ang presyo ng mga bilihin sa kabila ng may umiiral na price freeze sa nasabing mga lugar.


Payo natin sa mga kababayan na huwag mag-atubiling isumbong sa kinauukulan ang mga makukulit na trader na pilit na magtataas ng presyo ng kanilang mga paninda para naman masampulan at hindi na sila dumami pa.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page