top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Lakers, solo lider uli; 19 NBA games, postponed

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 23, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 23, 2021





Nabawi ng defending champion Los Angeles Lakers ang solong liderato ng buong NBA matapos patumbahin ang Milwaukee Bucks, 113-106, kahapon sa Fiserv Forum. Umakyat sa 12-4 ang Lakers at nanatili ding walang talo sa walong laro sa labas ng kanilang tahanan Staples Center.


Binuksan nina Kentavious Caldwell-Pope at LeBron James ang 3rd quarter sa pamamagitan ng magkasunod na tres upang itayo ang pinakamalaking lamang, 69-57. Nakabawi ang Bucks at nagbanta matapos ang buslo ni Khris Middleton, 100-102, subalit binura ito agad ng mga tres ni KCP, Alex Caruso at James para sa 111-103 lamang papasok sa huling minuto.


Nagtala si James ng 34 puntos buhat sa anim na tres, ang pinakamarami niya ngayong taon. Sumunod si KCP na may pitong tres para sa 23 puntos habang may 18 puntos si Anthony Davis. Nanguna sa Bucks si MVP Giannis Antetokounmpo na may 25 puntos at 12 rebound subalit nahirapan dahil sa problema sa foul noong fourth quarter.


Aabangan ngayong araw ang rebanse ng Cavs (7-7) at Brooklyn Nets (9-7). Tinalo ng Cavs ang Nets sa double overtime noong isang araw, 147-135, sa likod ng 42 puntos ni Collin Sexton at tiyak na gagawin nina Kevin Durant, James Harden at Kyrie Irving ang lahat para makabawi simula 8:30 ng umaga.


Samantala, ipinagpaliban ng liga ang tatlong sunod na laro ng Memphis Grizzlies – isa laban sa Portland Trail Blazers at dalawa sa Sacramento Kings – bilang bahagi ng COVID-19 protocol at bunga ng hindi kakayanin ng Grizzlies ang makabuo ng walong manlalaro. Umabot na sa 19 ang mga apektadong laro kung saan lima dito ay kabilang ang Memphis na may kartadang 7-6.


Isa sa pinakatinamaan ay ang Washington Wizards na may anim na larong napaliban at huling sumabak sa aksyon noong Enero 11 kung saan nanalo sila sa bisitang Phoenix Suns, 128-107. Lalakbay na ang Wizards sa Enero 24 para harapin ang San Antonio Spurs.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page