Lakers, Rockets, Jazz at Miami Heat, mainit
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 4, 2022

Nagpamalas ng halimaw na laro ang Los Angeles Lakers upang masugpo ang Milwaukee Bucks, 133-129 sa NBA kahapon mula sa Fiserv Forum. Naging mas espesyal ang laro at nilampasan ni LeBron James ang alamat ng Lakers na si Magic Johnson para sa ika-anim na may pinakamaraming assist sa kasaysayan ng liga.
Nagtapos siya na may 11 assist kasama ang 28 puntos at 8 rebound. May 10,144 assist si LBJ kumpara kay Magic na may 10,141 at susunod niyang hahabulin si Mark Jackson na may 10,334.
Sa gitna ng bagong karangalan ni LBJ ay hindi napansin ang 44 puntos at 10 rebound ni Anthony Davis. Nag-ambag si Russell Westbrook ng 15 puntos at 11 assist. Nasayang ang unang laro ngayong taon ni All-Star Khris Middleton sa Bucks matapos operahan sa pulso. Bumuhos si Giannis Antetokounmpo ng 40 para sa Milwaukee.
Sa ibang laro, ipinasok ni kabayan Jalen Green ang isang free throw na may 28 segundong nalalabi at ginulat ng kulelat na Houston Rockets ang Phoenix Suns, 122-121. Nagmintis ang pangalawang tira ni Green at bumalik sa Suns ang bola subalit nanaig ang depensa ng bisitang Houston.

Nagtapos na may 30 puntos si Green at umakyat ang Rockets sa 6-16. Lumubog ang Suns sa 15-7 subalit nasa taas pa rin ng Western Conference.
Bumida sina Lauri Markkanen at Pinoy pride Jordan Clarkson sa 139-119 tambakan ng Utah Jazz ang Indiana Pacers. Double-double si Markannen na 24 puntos at 13 rebound na sinundan ni Clarkson na may 19 puntos.
Gumanti ang Miami Heat at winakasan ang sunod-sunod na panalo ng numero unong Boston Celtics sa overtime, 120-116. Ipinasok ni Jimmy Butler ang pandiin na buslo na may siyam na segundo sa overtime at hindi na nakapuntos ang mga koponan mula roon.





Comments