top of page
Pokwang.jpg

Lakers, Nets, Bucks, Spurs at Hornets, nagpadapa

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 17, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 17, 2021





Ipinaalala ng Los Angeles Lakers na sila ang defending champion ng NBA at dinurog ang matamlay na Golden State Warriors, 128-97, kahapon sa Chase Center. Umarangkada ang Lakers sa second quarter at hindi na pinaporma ang Warriors na galing sa malaking panalo kontra sa numero unong Utah Jazz noong isang araw.


Binuhay ang Lakers (26-13) ni reserba Montrezl Harrell na nagtala ng 27 puntos sa 25 minuto. Gumawa ng triple double na 22 puntos, 10 rebound at 11 assist si LeBron James at umabot ng 29 ang kanilang lamang maaga sa fourth quarter, 112-83, bago siya pinaupo ni Coach Frank Vogel na may anim na minutong nalalabi.


Kinailangan ng Brooklyn Nets ang apat na free throw ni James Harden sa huling 28 segundo upang mapigil ang huling hirit ng New York Knicks, 117-112, at ituloy ang paghabol nila sa numero unong Philadelphia 76ers sa Eastern Conference. Ito na ang ikalawang sunod na laro na triple double si Harden na nagtala ng 21 puntos, 15 rebound at 15 assist upang tulungan si Kyrie Irving na may 34 puntos.


Umulit ang Milwaukee Bucks sa Washington Wizards, 133-122, para sabayan ang Nets at manatili sa ikatlong puwesto sa East. Gaya ng tapatan nila noong isang araw, triple double muli si MVP Giannis Antetokounmpo na 31 puntos, 15 rebound at 10 assist at nakatanggap siya ng malaking tulong kay Khris Middleton na may 23 at Brook Lopez na may 22.


Tinuldukan ni Terry Rozier ang mahusay na linaro ng isang tres at sinundan ito ng dalawang free throw sa huling minuto upang ibigay sa Charlotte Hornets ang 122-116 panalo sa bisitang Sacramento Kings. Nagtapos si Rozier na may 26 puntos at sinundan ni Gordon Hayward na may 25.


Sa ibang mga laro, lalong ibinaon ng San Antonio Spurs ang Detroit Pistons sa ilalim ng East, 109-99. Nanguna si Dejounte Murray sa 19 puntos at 10 rebound at sinundan nina Jakob Poeltl na may 14 puntos at 12 rebound at Patty Mills na may 14 puntos din bilang reserba.


Bumalik sa panalo ang LA Clippers at pinadapa ang Dallas Mavericks, 109-99. Bumida ang All-Star tambalan nina Kawhi Leonard na may 21 puntos at Paul George na may 15.


Tinambakan ng Phoenix Suns ang Memphis Grizzlies, 122-99. Namuno si Devin Booker sa kanyang 27 puntos. Sinayang ng Denver Nuggets ang kanilang 20 puntos na lamang sa third quarter at nagising sa fourth quarter upang patahimikin ang Indiana Pacers, 121-106.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page