Lakers, Nets at Suns, bumida
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 12, 2021

Naiwasan ng Los Angeles Lakers ang matalo ng ikatlong beses sa kulelat na Oklahoma City Thunder ngayong taon, 116-95, sa pagpapatuloy ng NBA kahapon mula sa Paycom Center. Bago noon, hawak ng Thunder sa leeg ang Lakers sa kanilang unang dalawang tapatan, 123-115 at 107-104.
Huling nakalamang ang Thunder, 8-6, na may pitong minuto pa sa first quarter at biglang bumanat ng tres sina Talen Horton-Tucker at dalawa pa kay Avery Bradley at mula doon ay tuloy-tuloy ang paglayo ng Lakers. Umabot hanggang 29 ang kanilang lamang sa third arter, 89-60, sa isa pang tres ni Bradley. Namuno sa tagumpay si LeBron James na may 33 puntos sa 35 minuto.
Nanatili ang Brooklyn Nets sa tuktok ng Eastern Conference matapos ang 113-105 panalo sa Atlanta Hawks. Bumalik sa aksiyon si Kevin Durant upang gumawa ng 31 puntos at sinundan ni James Harden na may 20 puntos at 11 assist.
Pumantay muli ang Phoenix Suns sa Golden State Warriors para sa liderato ng Eastern Conference bunga ng 111-90 pagwagi sa bisitang Boston Celtics. Double-double sina JaVale McGee na 21 puntos at 15 rebound at Chris Paul na 10 puntos at 12 assist upang takpan ang patuloy na pagliban ni Devin Booker.





Comments