Lakers, knicks at Heat naglalagablab ang banat
- BULGAR
- May 11, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 11, 2021

Sa pagsapit ng huling linggo ng 2020-2021 NBA regular season, nagparamdam ang defending champion Los Angeles Lakers na hindi nila basta isusuko ang kanilang korona at tinambakan ang Phoenix Suns, 123-110, kahapon sa Staples Center. Dahil dito, maaari pang umangat ang Lakers at iwasan ang delikadong State Farm Play-In Tournament para sa huling dalawang puwesto sa playoffs.
Umabot ng 23 ang lamang ng Lakers sa simula ng fourth quarter, 100-77, at naging sapat ito sa gitna ng paghabol ng Suns at naging pito na lang ito papasok sa huling apat na minuto, 115-108. Bumida si Anthony Davis sa 42 puntos at 12 rebounds at tinulungan ni Kentavious Caldwell-Pope na may 17 puntos para sa kartadang 38-30 at lumapit sa ika-anim na Portland Trail Blazers na 39-29.
Kahit natalo ang Suns (48-20), silang dalawa na lang ng Utah Jazz (50-18) ang nalalabing may pag-asang tanghaling numero uno sa Western Conference matapos patumbahin ng bisitang New York Knicks ang Los Angeles Clippers sa naunang laro sa Staples, 106-100. Sinimulan ni Derrick Rose ang laban na may 19 ng kanyang 25 puntos sa first half at tinapos ito ni Reggie Bullock na gumawa ng 11 ng kanyang 24 puntos sa second half.
Malaking dagok ang idinulot ng Miami Heat sa kampanya ng Boston Celtics, 130-124, at tumibay ang kapit sa ika-anim na puwesto sa Eastern Conference. Lumayo ang agwat ng Heat (37-31) sa Celtics (35-33) salamat kay Jimmy Butler na may 26 puntos at 11 assist at Duncan Robinson na pumukol ng anim na tres para sa 22 puntos.
Sumandal ang New Orleans Pelicans sa dalawang magkasunod na buslo ni sentro Jaxson Hayes sa huling dalawang minuto upang maitala ang pinaghirapang 112-110 panalo sa Charlotte Hornets.




Comments