Lakers, Celtics, Nets at Raptors, bidang-bida

ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 18, 2021

Nagsimula ang defending champion Los Angeles Lakers na manalo muli sa kanilang pagparusa sa Minnesota Timberwolves, 112-104, sa pagpapatuloy ng NBA kahapon sa Target Center. Biglang nagising si LeBron James at ang Lakers sa 4th quarter at nagtayo ng 14 puntos na lamang, 103-89, at ito ay naging sapat para umakyat sa 22-7 panalo-talo.
Binuhat ni James ang Lakers sa 30 puntos at 13 rebound at sinundan ni Dennis Schroder na may 24 puntos. Hindi naglaro si Anthony Davis matapos masaktan ang talampakan sa kanilang 105-122 pagkabigo sa Denver Nuggets noong isang araw at titingnan pa kung kailan siya papayagang bumalik.
Napigil ng Boston Celtics ang kanilang dalawang magkasunod na talo at nakatikim muli ng panalo sa Denver, 112-99. Maganda ang nilaro nina Jaylen Brown na may 27 puntos at Jayson Tatum, 21 puntos para sa Celtics (14-13) upang mabura ang 43 puntos ni Nikola Jokic ng Nuggets (15-12).
Humabol mula sa 24 puntos at winakasan ng Brooklyn Nets ang anim na sunod-sunod na panalo ng Phoenix Suns, 128-124, salamat sa tres at free throw ni James Harden sa huling 31 segundo. Nagtapos na may 38 puntos at 11 assist si Harden na naiwang mamuno mag-isa matapos muling sabay lumiban sina Kevin Durant at Kyrie Irving.
Ipinasok ni Damian Lillard ang 14 ng kanyang 31 puntos sa 4th quarter upang maging susi sa 115-104 tagumpay ng Portland Trail Blazers sa Oklahoma City Thunder. Tumulong si Gary Trent Jr. na may 19 puntos para sa kartadang 17-10.
Ginulat ng Toronto Raptors ang Milwaukee Bucks, 124-113, salamat sa mainit na shooting ni Fred VanVleet na nagsabog ng 33 puntos. Nagsumite ng double-double si Pascal Siakam na 23 puntos para sa kartadang 13-15 habang pansamantalang bumaba sa ikatlong pwesto sa Eastern Conference ang Bucks (16-12). Walang awang dinurog ng New Orleans Pelicans ang Memphis Grizzlies, 144-113, para umangat sa 12-15. Nagtala ng 31 puntos si Zion Williamson.
Samantala, hindi matutuloy ang nakatakdang laro ngayong araw sa pagitan ng bisitang Detroit Pistons (8-19) at Dallas Mavericks (13-15) dahil sa masamang panahon dulot ng makapal na niyebe. Sa halip, lilipad ang Pistons sa Chicago upang dalawin ang Bulls (11-15), bahagi ng 10 laro sa liga.





Comments