Search
  • BULGAR

Lakers at Suns, nagsipanalo; Aldridge at Drummond, nai-trade

ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 30, 2021




Nagtrabaho ng husto ang defending champion Los Angeles Lakers bago makamit ang pinaghirapang tagumpay sa Orlando Magic, 96-93, sa NBA kahapon mula sa Staples Center. Tabla matapos ang tatlong quarter, 69-69, inangat ng Lakers ang kanilang laro sa huling pitong minuto upang umangat sa 30-17 panalo-talo.


Hawak ng Magic ang lamang, 82-77, subalit kumontra ang Lakers, 19-11, kung saan 10 ang galing kay Dennis Schroder at kumapit sabay mintis ng tres ni Otto Porter Jr. sa huling busina. Nagtapos si Schroder na may 24 puntos at tinulungan ng mga double-double nina Kyle Kuzma na 21 puntos at 11 rebound at Montrezl Harrell na 18 puntos at 11 rebound.

May parating na tulong para sa Lakers sa katauhan ni dating All-Star sentro Andre Drummond na pinakawalan ng Cleveland Cavaliers matapos hindi palaruin sa kanilang huling 17 na laro. Ngayong taon para sa Cavs, si Drummond ay gumawa ng 17.5 puntos bawat laro at humahakot ng 13.5 rebound na dapat ay kabilang sa mga nangunguna sa buong NBA kung hindi lang umupo ng matagal.

Gaya ni Drummond, pinakawalan din sa kanyang kontrata sa San Antonio Spurs ang isa pang dating All-Star na si forward LaMarcus Aldridge at pinili niya na pumirma sa Brooklyn Nets para samahan ang mga kapwa All-Star na sina Kevin Durant, Kyrie Irving, James Harden at Blake Griffin. Pinaupo ng Spurs si Aldridge sa huling 11 laro habang inaalok siya sa ibang koponan subalit hindi nagkasundo bago sumapit ang Marso 25, ang huling araw ng palitan.

Samantala, kinailangan ng Phoenix Suns ang tig-apat na free throw sa overtime nina Devin Booker at Chris Paul para mapigil ang Charlotte Hornets, 101-97. Nagtapos si Booker na may 35 puntos at sinundan ni Paul na may 16 para sa kartadang 31-14 at manatiling pangalawa sa Western Conference sa likod ng numero unong Utah Jazz na 34-11.



0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.