Lakas ng Sandatahan, masusubok sa WNBL
ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 19, 2022

Ibang klaseng labanan ang handog ng 2022 Women’s National Basketball League (WNBL) sa unang sabak ng mga bagong kasaping koponan buhat sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas ngayong Sabado sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Malolos City. Handang ipakita ng PSI Air Force Lady Air Defenders, Army Lady Battalion at Go For Gold Navy Lady Sailors ang husay sa una at natatanging ligang propesyunal ng kababaihan sa bansa.
Unang haharapin ng PSI Air Force ang Taguig Lady Generals sa 11:45 ng umaga. Susundan agad ito ng salpukan ng Army at Go For Gold Navy sa 1:30 ng hapon.
Hawak ng Air Force ang karangalan na pinakaunang kampeon ng WNBL noong 2019 noong itinatag ito bilang ligang amateur. Tinalo nila para sa kampeonato ang Taguig kaya may kasaysayan ang dalawa.
Galing ang Lady Generals sa 65-49 tagumpay sa STAN Quezon Lady Spartan sa unang laro ng torneo noong Marso 13 sa Lucena City. Bumida sa Taguig si Surge Fitness Best Player Gemma Miranda na hinirang din na 2019 Finals MVP bilang manlalaro ng Air Force.
Titingnan natin kung paano haharapin ni Miranda ang mga dating kakampi na sina Ambie Almazan, Cindy Resultay, Regina Buendia, Karen Columna, Katherine Sandel, Fria Bernardo, Angelica Ortega, Daphnie Tecson, Jesusa Avila at Sam Paig. Ang Lady Air Defenders ay gagabayan ni Coach Alvin Zuniga na dating UE point guard.





Comments