top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

LakaRun para sa bagong misyon ng susunod na 500-taon, inilunsad na

  • BULGAR
  • Oct 2, 2021
  • 2 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 2, 2021



Matagal-tagal na tayong naglalakbay sa dilim. Mula nang mag-lockdown noong ika-15 ng Marso 2020 hanggang ngayon. Hirap umahon, magtiwala at maglakas-loob na lumabas ang marami dahil sa panganib ng COVID-19. Nararapat lamang na matakot at mag-ingat sa isang kaaway na hindi nakikita, tulad ng virus na nakakubli sa hangin. Ngunit, kailangan ding mag-ingat sa hindi balanseng pananaw.


Matagal-tagal na tayong kinulong at pinilit na magkulong sa ating maliliit na tahanan. Hindi maganda ito sa marami na hindi sanay na walang makita kundi ang apat na sulok ng kanilang maliit na tahanan. Hindi ito maganda para sa kalusugan ng isip, puso, diwa at kaluluwa.


Bago pa nagsimula ang pandemya, nag-alala na ang Santo Papa sa pagkitid ng pananaw at pagkilos ng marami sa simbahan. Kaya isa sa mga unang hamon ng Santo Papa ay “Go out, go out.” Sa kanyang Twitter Account noong ika-14 ng Setyembre 2021, sinabi ni Papa Francisco: “Huwag kayong matakot makasalumuha ang mga nasa gilid at sulok ng lipunan. Matutuklasan mong sinasalubong mo si HesuKristo. Hinihintay ka niya kung saan merong pangangailangan, hindi ang luho; kung saan naghahari ang paglilingkod at hindi ang kapangyarihan. Ito ang mga lugar kung saan siya matatagpuan.”


At hindi lang ngayon, hindi lang si Papa Francisco ang nagsabi nito. Matagal nang sinabi at tinagubilinan ni HesuKristo sa kanyang mga disipulo ang lumabas, dala-dalawa at ipahayag ang mabuting balita ng kaligtasan sa lahat.


Hindi lang noon, kundi hanggang ngayon ay ibinibigay Niya ang tagubiling ito na nananatiling buhay at sariwa. Bakit? Dahil hindi ito nakukulob sa pansariling interes, sa kasalanan at sa kababawan ng personal na mundong pinabayaang lumiit.


Ganito rin ang ginawa ng maliit na grupong sinimulan ang naturang Pilgrimage for the New Mission o LakaRun para sa Bagong Misyon noong ika 28 ng Setyembre 2021 sa Betis, Guagua, Pampanga. Taglay ang diwa ng panawagan ni HesuKristo na maglakbay at ipahayag ang mabuting balita, aming ipinahayag, “Muling Itanim ang Krus, Muling itanim ang Pananampalataya.” (Replant the Cross, Replant the Faith). Ang limang sangkap ng pagtatanim na ito ay ang Krus (na nililok ni Willie Tadeo Layug ng Betis, Guagua, Pamapanga); ang Paglalakbay sa Gabi; ang lima hanggang 500 kabataan; katutubong puno at ang Kandilang sisindihan sa gabi at madaling araw bilang paghatid o pagtanggap sa mga naglalakbay.


Ito ang naganap sa Betis, Pampanga noong Martes: ika-4 ng hapon: pagtatanim ng limang piniling kabataan sa limang lugar ng mga katutubong punong Pilipino; alas-5:30 ng hapon, misa ng pagtatalaga sa kabataan ng bagong misyon; alas-6:30 ng gabi. Pagsabit ng Krus sa angkop na lugar; alas-8:00 ng gabi, pagsindi ng mga kandila at paghatid sa maglalakbay. Sinundan ito ng walong oras na halos walang tigil na paglalakad at takbo na binagtas ang 45 kilometrong distansiya.


Kasabay natin ang dalawang kabataan, binatilong 22-taong gulang at dalagang 32-taong gulang. Nabanggit natin sa dalawa na ganito marahil ang maraming paglalakbay ng mga sinaunang misyunero. Naglalakbay gabi at araw upang maabot ang pagdadalhan ng mabuting balita. Maraming panganib na hinarap at sinalubong, kasama na ang pandemya, ang masasamang elemento sa labas, ang gutom, ulan, matinding araw... Ngunit masaya silang naglakbay, lumabas at hinatid ang mabuting balita.


Tayo na’t muling itanim ang krus, muling itanim ang pananampalataya.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page