Lahat ng public school, mabibigyan na ng internet connection ngayong taon
- BULGAR

- Jul 11
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | July 11, 2025

Sa panahon ng AI, Zoom classes, at online modules, hindi na luho ang internet sa mga paaralan, dahil isa na itong pangunahing pangangailangan.
Kaya marahil gumawa ng hakbang ang Department of Education (DepEd) at Department of Information and Communications Technology (DICT) na magtulungan upang matiyak na bago matapos ang 2025, may internet na ang lahat ng pampublikong eskwelahan sa bansa.
Ang inisyatibo ay pinalakas ng Phase 2 at Phase 3 ng National Fiber Backbone Project, na kamakailan lang ay inilunsad sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Sa ilalim ng proyektong ito, palalawakin ang digital infrastructure ng bansa sa pamamagitan ng 31 bagong connection points na ikakabit sa mga pangunahing isla ng Luzon, Visayas, at Mindanao. Layunin ng pagpapalawak na ito na paigtingin ang bandwidth at abot ng koneksyon sa mga lugar na matagal nang nawawalan ng access sa digital tools, kabilang na ang mga geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAs). Sa kabuuan, tinatayang mahigit 600 government sites at 17 milyong Pilipino ang makikinabang sa proyektong ito.
Bagama’t mukhang ambisyoso ang target ng full internet connectivity para sa public schools sa loob lamang ng natitirang taon, sinisigurado ng mga ahensya na minamadali na ang mga proseso upang maabot ito sa tamang oras. Sa tulong ng fiber optic technology, posible nang mailapit ang mundo sa mga batang dati’y halos walang signal kahit sa simpleng text message.
Sa ganang akin, ito ay tulay ng pag-asa para sa mga batang Pinoy sa liblib na lugar, na sa wakas ay magkakaroon ng pagkakataon na matuto nang pantay sa mga nasa lungsod. Dahil ang edukasyon ay dapat para sa lahat at walang iniiwanan — digital man o hindi.
Sana, hindi lang ito maging press release at nawa’y matupad para sa ating mga mag-aaral na nagsusumikap sa pag-aaral.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments