Laguna Clasico, tampok sa NBL President's Cup
- BULGAR
- Jun 25, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | June 25, 2023

Mga laro ngayong Linggo – Sta. Rosa Multi-Purpose Complex
4:00 p.m. Bulacan vs. Taguig
6:00 p.m. Biñan vs. Santa Rosa
Masasaksihan ngayong Linggo ang unang kabanata ng "Laguna Clasico" sa ikalawang araw ng 2023 National Basketball League (NBL) President’s Cup. Haharapin ng Santa Rosa Lions ang mga bisita Tatak Gel Biñan sa tampok na laro ng 6 p.m. sa Santa Rosa Multi-Purpose Complex.
Kung noon ay isa lang ang kinatawan ng Laguna sa NBL, ngayon ay dalawa na at nahati rin ang mga beteranong manlalaro. Sisikapin ng Lions na bumawi mula sa 86-99 talo sa DF Bulacan Stars noong nagbukas ang liga noong Hunyo 16 habang nais magpakilala ng mabuti ang Biñan sa kanilang unang salang.
Tanging sina Alexis Hilario at Gio Calacalsada ang nagdala sa Santa Rosa laban sa Bulacan at kailangan nila ang tulong nina Jeff Disquitado, Sean Sandoval, Kim Galamiton at 2019 NBL MVP Shinichi Manacsa. Tatapatan sila ng mga subok na beterano ng Binan na sina Raymart Amil, King Fadriquela, Aries Santos at Ralph Pantaleon.
Pangunahin para sa Generals ang bantayan si shooter Exeqiel Biteng na nagbagsak ng 27 puntos laban sa Lions. Maraming iba pang maaasahan ang Stars tulad ni gwardiya Christian Necio at ang mga matatagkad na sina John Michael Cruz, RV Jumaquio at ang 2022 President’s Cup MVP Joseph Celso.
Malaking bagay para sa Taguig ay bumalik ang karamihan ng mga kasapi ng koponan na nagbuhat ng tropeo noong Enero sa pangunguna ni Finals MVP Mike Jefferson Sampurna. Nariyan din sina Mythical Five Dan Anthony Natividad, Fidel Castro, Francisco Tancioco, Noel Santos, Lerry John Mayo at Jonathan Lontoc na malaki ang naging papel sa kampeonato.
Samantala, magbubukas ang 2023 NBL Youth Second Conference ngayong Hulyo 1 sa Jesus Is Lord Colleges Foundation sa Bocaue, Bulacan.





Comments