Laging magkasama kaya natsitsismis… INA ALEGRE, NAGSALITA SA KANILA NI JAMES BLANCO
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | March 2, 2022

Dahil sa tagal nang hindi umaarte sa harap ng kamera ang aktres-turned politician na si Mayor Ina Alegre ng Pola, Mindoro ay kinailangan niya ng acting coach on the set habang isinu-shoot ang 40 Days: The Movie mula sa direksiyon ni Neal ‘Buboy’ Tan handog ng ComGuild Productions.
Sabi ni Mayor Ina sa mga dumalong entertainment media sa ginanap na premiere night ng pagbabalik-pelikula niya pagkalipas ng 15 years ay sobrang nahirapan siya dahil hindi biro ang shooting nila na natapat ng pandemya.
Tungkol sa COVID-19 lockdown ang buod ng 40 Days: The Movie. Kuwento ito ng isang kasambahay na pinauwi ng amo sa probinsiya sa Pola, Mindoro na binigyan lang ng eksaktong pamasahe na wala pang isang libong piso at pinabaunan na lang ng itlog at noodles para may makain sa biyahe.
Eh, biglang nag-lockdown ang buong Pilipinas noong Marso 15, 2020 kaya walang pampublikong masakyan dahil ipinagbawal lahat ni Presidente Rodrigo R. Duterte ang air, land and water transportation.
Sabi nga ni Mayor Ina sa ginanap na shooting, “Sobrang hirap dahil sa tagal na hindi ako gumawa ng pelikula, medyo nahirapan ako sa pag-arte. Pero 'and'yan naman si James (Blanco) na umalalay sa akin at nag-coach.”
Kasama rin sa pelikula si James kaya kahit na wala siyang eksena ay parati siyang present sa lahat ng shoot para i-coach nga si Mayor Ina. Isa ito sa mga dahilan kung bakit naging super close sila sa pelikula, dahil nagkakilanlan sila bukod pa sa nag-meet na raw sila dati pa.
Sabi pa ni Mayora na kumakandidato sa ikalawang termino sa Pola, Mindoro, “Siyempre, naiisip natin kung ano ba ang magiging outcome ng movie at magugustuhan ba ni direk? Siyempre, si direk ang iniisip ko, ‘yung ano bang qualities ang magugustuhan niya? Tama ba ang acting ko? 'Andito pa ba ako sa showbiz? Paano ko dadalhin ang mga manonood doon sa karakter na mayroon ako? Sobrang hirap, sa sobrang tagal na hindi gumawa ng pelikula, medyo nahirapan ako sa pag-arte,” pahayag nito.
Bago pala ito ipinapanood sa mga Polaeños ay tatlong beses itong pinanood ni Mayora Ina at lagi pa rin siyang naluluha sa kuwento — na tiyak na marami rin ang makaka-relate — dahil nga maraming nawalan ng work sa panahon ng unang lockdown kung saan maraming negosyo ang nalugi at nagsara.
At kung malayo ka sa pamilya mo ay kailangang muli kayong magsama-sama para anuman ang mangyari sa panahon ng pandemya ay kayu-kayo ang magkakasama na siyang nangyari sa kuwento ng 40 Days: The Movie at kahit na maraming balakid sa mga daraanan ay pananampalataya ang kailangan para ito makamtan na ginawa ni Mayora Ina sa pelikula, ang hawak-hawak niyang rosaryo.
Samantala, wala pang petsa kung kailan ito ipapalabas.
“Hindi pa sure kung maipalalabas commercially since may pandemic pa. May usapan kami na gusto naming ipalabas abroad pero uunahin muna natin ang mga special screenings sa Pilipinas at saka natin ibenta sa Netflix, then ibenta abroad,” say ni Mayor Ina.
At dito nga nabanggit na kaya bukod sa matagal siyang hindi humarap sa kamera kaya nahirapang umarte uli ay maraming iniisip ang mayora ng Pola, Mindoro.
“‘Yung pagod, totoo, kahit hindi naman talaga 40 days ako naglakad, pero napagod ako dahil magkasabay na trabaho sa pagiging punong-bayan 'yung paggawa ng pelikula.
“Kasabay din ang negosyo, sabay-sabay siya. Pagod ako sa acting, pinapahirapan kasi ako ni Direk Neal Tan, hahaha! Tingin ko kasi, perfect na para sa akin, pero ipinauulit pa niya, silang dalawa ni James, para sa kung ano pa ang puwede kong gawin sa eksena.
“Nasisiyahan ako sa outcome ng movie sa paulit-ulit nilang sinasabi na 'Sige pa, kulang pa, gawin mo pa ito.' Natutuwa na nai-guide nila ako nang husto. Kaya James, maraming salamat.”
Hayan, kaya malapit sa isa’t isa sina James at Mayora Ina ay dahil naging acting coach at assistant director ang aktor sa 40 Days: The Movie. Huwag lagyan ng kulay ang pagiging malapit sa isa’t isa ng dalawa.
Kasama rin sa pelikula sina Cataleya Surio at Mygz Molino.
Samantala, dumalo rin sa premiere night sina Ejay Falcon na tumatakbong bise-gobernador ng nasabing lalawigan bilang suporta sa kasamahan sa showbiz industry at gayun din ang talent manager-cum vlogger na si Ogie Diaz kasama ang kanyang team na sina Mama Loi, Dyosa Pockoh at Tita Jegs.





Comments