Lagablab ng Heat at Suns, ipinaso sa 76ers at Mavs

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 4, 2022

Humataw ang Miami Heat sa second half upang masugpo ng bisitang Philadelphia 76ers, 106-92, sa Game 1 ng Eastern Conference semifinals sa 2022 NBA Playoffs, kahapon mula sa FTX Arena. Sa Western Conference, nakauna rin ang numero unong Phoenix Suns laban sa bisitang Dallas Mavericks, 121-114.
Maganda ang simula ng Miami at dominado ang first half subalit hindi sila naka-shoot sa huling tatlong minuto at gumawa ng walang sunod-sunod na puntos ang Philadelphia upang maagaw ang lamang, 51-50. Nagising ang Heat sa third quarter at sumandal kay Bam Adebayo, Gabe Vincent at PJ Tucker upang ibalik sa kanila ang lamang papasok sa 4th quarter,80-72, at hindi na nila binitawan ito at umabot pa ng 21 ang lamang sa huling siyam na minuto, 98-77.
Double-double si Adebayo na 24 puntos at 12 rebound habang pumukol ng apat na tres si Tyler Herro para sa 25 puntos. Sumunod si Jimmy Butler na nag-ambag ng 15 puntos.
Sinubukan buhatin ni Tobias Harris ang 76ers sa 27 puntos sa gitna ng pagliban ni Joel Embiid na nabasag ang buto sa mata sa serye laban sa Toronto Raptors. Hindi sumama sa lakbay si Embiid at susuriin pa kung makakalaro siya sa Game 3 sa Wells Fargo Center.
Balik na ang lakas ni Devin Booker at nagsumite siya ng 23 puntos sa 38 minuto. Nagtala ng 25 puntos si Deandre Ayton habang 19 puntos si Chris Paul.
Lamang ng buong 48 minuto ang Phoenix at pinaabot ng 21 ang lamang sa 4th quarter, 106-85. Nasayang ang 45 puntos at 12 rebound ni Luka Doncic at maghahanda na ang Mavs para sa Game 2 sa Huwebes.
Sa mga serye ngayong araw, sisikapin ng Boston Celtics na bumawi sa Game 2 at makatabla kontra sa World Champion Milwaukee Bucks. Pareho rin ang layunin ng Memphis Grizzlies na bumangon sa kanilang Game 2 sa bisitang Golden State Warriors.





Comments