Lady Titans, solo lider na sa 20th NAASCU
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 18, 2022

Inagaw ng Enderun Colleges Lady Titans ang solong liderato ng 20th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) Women’s Volleyball Tournament matapos patumbahin ang noon ay kapwa walang talo na Technological University of the Philippines, 25-18, 25-13 at 25-16, Miyerkules sa Philippine Christian University Gym sa Maynila.
Walang talo rin ang PCU Dolphins at patuloy ang paghari sa panig na kalalakihan sa kanilang ikatlong sunod na panalo sa Titans, 25-14, 25-9 at 25-13. Ang inaabangang matinding salpukan ng dalawang higante ay hindi nangyari at madaling ikinuha ng Lady Titans ang unang dalawang set. Pumalag ang Lady Grayhawks at nakasalba ng tatlong magkasunod na match point bago ang service error na nagbigay ng panalo sa Enderun.
Halos hindi pinawisan ang Dolphins kontra sa Enderun at dalawang panalo na lang ang kailangan upang walisin ang elimination. Kung sakali, bibigyan ang PCU ng twice to beat kontra sa ika-apat na paaralan sa semifinals sa halip na knockout.
Sa isa pang laro sa Women’s, ipinagbuti ng St. Clare College ang pagkakataon na mapabilang sa semifinals sa susunod na linggo at nakamit ang mahalagang panalo sa Lady Dolphins, 25-21, 25-22, 18-25 at 25-21. Pumasok sa laro na parehong 0-2 ang mga koponan at isa lang sa limang kalahok ang mahuhulog.
Bago ang laro ng PNPA at Our Lady of Fatima ay magkikita ang TUP at Enderun sa 8:00 a.m. at maghaharap ang St. Clare at PCU at 11:00 ng umaga. Ang nag-iisang laro ng kababaihan ay sa pagitan ng Enderun at PCU sa 1:00 ng hapon kung saan hahanapin ng Lady Titans ang perpektong 4-0 kartada at maging numero uno sa semifinals.





Comments