top of page

Lady Tigresses, mabangis sa teritoryo, Maroons, petmalu

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 10, 2023
  • 1 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | October 09, 2023


ree

Mga laro sa Miyerkules – Adamson Gym

(Women’s)

9 a.m. UST vs. NU

11 a.m. DLSU vs. AdU

1 p.m. UP vs. FEU

3 p.m. UE vs. ADMU


Lalong humigpit ang maagang karera sa 86th UAAP Women’s Basketball Tournament matapos gulatin ng University of the Philippines ang defending champion National University, 72-69, sa University of Santo Tomas Quadricentennial Pavilion Linggo ng hapon. Hindi nagpahuli ang UST Tigresses at tinambakan ang De La Salle University, 91-57, at pumantay sa Lady Maroons sa 3-0.


Inaalagaan ng UP ang 70-67 lamang at isinalba sila ng kanilang depensa. Inagaw ni Christie Bariquit ang bola at agad ipinasa kay rookie Louna Ozar para sa paniguradong buslo na may dalawang segundo sa orasan, 72-67.


Nagsumite si Onoh ng 18 puntos at 15 rebound habang 13 puntos si Bariquit. Huling nanalo ang Lady Maroons sa Lady Bulldogs noong Agosto 29, 2011 sa kanilang pangalawang tapatan noong 74th UAAP, 60-59.


Nakaganti ang UST sa Lady Archers, ang koponan na tumalo sa kanila sa Final Four noong nakaraang taon. First quarter pa lang ay umarangkada ang Tigresses sa 35-12 bentahe at hindi na nila binitiwan ito.


Pinangunahan ni Ana Mae Tacatac ang atake sa kanyang 25 puntos galing sa pitong three-points. May apat pa siyang kakampi na may 10 o higit para sa balanseng opensa.


Sa unang laro, dalawang magkasunod na ang tagumpay ng Ateneo de Manila Blue Eagles at binaon ang wala pa ring panalong Adamson University, 69-59. Walang nakapigil kay sentro Kacey dela Rosa sa kanyang 28 puntos at 10 rebound.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page