Lady Aces, sakalam sa solo lead; Laguna Pistons pumihit sa NBL
- BULGAR
- Oct 12, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 12, 2021

Lumalakas ang hawak sa solong liderato ng Paranaque Lady Aces sa Women’s National Basketball League (WNBL) 2021 matapos manalo sa Glutagence Glow Boosters, 76-67, noong Linggo sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando, Pampanga.
Ipinamalas ng Lady Aces ang lalim ng talento at maraming tulong ang natanggap ni Allana Lim para sa manatiling perpekto sa 3-0 panalo-talo.
Lumobo ang lamang ng Paranaque sa 20 noong third quarter, 47-27, subalit lumaban pa rin ang Glutagence at gumawa ng 7 magkasunod na puntos si Raiza Palmera-Dy upang makalapit, 59-65. Sinagot ito ng magkasunod na buslo nina Lim at April Siat, 69-59, at kumapit ang Lady Aces sa nalalabing 1:49.
Nanguna sa Lady Aces sina Mary Joy Galicia at Jhenn Angeles na parehong may 13 puntos at sinundan ni Blanche Bahuyan na may 9 na puntos. Walong puntos lang si Lim pero humakot ng 16 rebound. Nagtala ng 34 puntos at 11 rebound si Palmera-Dy na bagong marka sa WNBL para sa pinakamaraming puntos sa isang laro. Matapos ang mainitang laro, hindi itinago ni Lim sa social media ang kanyang paghanga at respeto sa dating kakampi sa pambansang koponan at Far Eastern University.
Kung numero uno ang Lady Aces, kabaligtaran ito para sa Paranaque Aces at wagi sa kanila ang Laguna Pistons, 84-83, sa pagpapatuloy ng kasabay na Chooks-To-Go National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup 2021. Humabol ang Pistons mula sa maagang 12-36 na pagkalugmok at kinailangan ang matibay na shooting sa free throw sa huling minuto upang umakyat sa 2-4 habang wala pa ring tagumpay ang Aces sa apat na laro.
Nanguna sa Laguna si King Fadriquela na ipinasok ang 16 ng kanyang 25 puntos sa kanilang paghabol sa third quarter. Sinundan siya nina Raymart Amil na may 17 puntos at Ralph Leynard Pantaleon na may 14 puntos at 17 rebound.





Comments