Labanang Duterte-Duterte sa 2022, sobrang kaabang-abang!
ni Ka Ambo - @Bistado | November 15 2021
TURETENG-TURETE ang mga miron.
Kumbaga, nagkahalo nang todo ang balat-sa-tinalupan!
◘◘◘
SULIT ang probisyon sa “substitute”.
Ang batas ay mistulang naging “prostitute”!
◘◘◘
MALINAW na magkahiwalay ang inner circle ni Inday at ng kanyang ama na si P-Digong.
Kung nagpapadikta si P-Digong sa kanyang inner circle, taliwas naman si Mayor Inday.
May sarili siyang disposisyon hiwalay sa Malacañang!
◘◘◘
PRAKTIKAL si Inday.
Kontra ito sa mapangaraping inner circle ni P-Digong!
◘◘◘
NAKAKATURETE kasi’y biglang nag-file ng COC sa pagka-pangulo si Sen. Bong Go.
Ikinakalat na ang kanyang VP ay si P-Digong na magsusumite ng COC sa Lunes.
Anong modus 'yan?
◘◘◘
KUNG paniniwalaan ang Malacañang, maglalaban sa pagka-vice-president ang mag-amang Digong at Inday.
Diyosnamabaginglangit!
◘◘◘
HINDI rin ginamit ni Go ang inaagaw nilang partido na PDP-Laban.
Eh, bakit?
◘◘◘
IBIG sabihin, ang nilalabanan mismo ni Go ay si ex-Sen. Bongbong Marcos.
Walang masama.
Pero, ang senaryong magpangana ang “ama” at “anak” ay immoral at makahunos-dili!
◘◘◘
HINDI natin makita ang motibo.
Malalim ang ibig sabihin nito!
◘◘◘
ISA ring sorpresang balita pero tanggap ng mayorya ng mga botante ay ang paghabol sa senatorial election ng kareretirong si Heneral Guillermo Eleazar.
Nagretiro kamakalawa si Eleazar bago siya nanumpa sa Partido Reforma.
Ibig sabihin, nag-file na si Gen. Guillermo ng kandidatura sa pagka-senador!
◘◘◘
POPOKUS si Gen. Eleazar sa pagrereporma ng PNP at AFP.
Malaki ang maiaambag ng dating PNP chief, partikular sa pag-aayos ng justice system sa bansa!
◘◘◘
ISANG masalimuot kasi na proseso ay ang internal affairs ng PNP,at ang pag-iisyu ng police clearance.
Dapat bang ilipat ito sa hurisdiksiyon ng LGU o hindi para makapagpokus ang mga pulis sa peace and order?
◘◘◘
LUMUTANG ang pamamalakad ni Gen. Eleazar sa implementasyon ng internal cleansing kung saan dinidisiplina niya ang mga pulis.
Siya ang nagpasimuno ng pagpupurga sa pulisya mula pa nang maging hepe ng QCPD, Calabarzon at NCRPO.
Kinasuhan, sinuspinde at sinibak ang mga iskalawags!
◘◘◘
PARA kay Gen. Guillermo, ang tama ay tama, ang mali ay mali — walang padrino at walang exemption.
No. 1 priority pa rin ang peace and order.
Kung walang kapayapaan, paano uunlad ang isang bansa?
Malaki ang kanyang tama!





Comments